Dahil dito ay dalawang buwan na palaging kulang ang perang naihuhulog niya para sa kanyang utang sa isang financial company.
Hindi naglaon ay tinatawagan na siya ng kolektor, noong una ay nakikiusap, pero nitong Hunyo 11 ay inakyat na siya sa bahay ng kanyang amo at dinuro-duro sa mukha. Hindi pa siya nakuntento, at biglang dinuraan sa mukha si Althea, mabuti ay nakailag siya kaya hindi siya tinamaan sa mukha.
Bago umalis ay binalaan pa siya ng kolektor na babalikan siya sa gabi para kausapin ang kanyang amo.
Nanginginig at maiyak-iyak na tumawag siya sa isang kaibigan para manghingi ng tulong. Tinulungan naman siya nito na pumunta sa assistance to nationals section ng Konsulado at doon ay pinayuhan siya na isumbong sa pulis ang ginawa ng kolektor.
Kapag bumalik daw pang muli ang kolektor ay bumalik siya sa ATN para magawaan ng sulat na ipapadala sa asosasyon ng mga financing company dito para ireklamo ang kumontrata sa bastos na kolektor.
Batid ni Althea na marami nang mga katulong ang nawalan ng trabaho dahil sa mga salbaheng kolektor ng mga pautangan. Naging leksyon daw sa kanya ang nangyari. Ngayon ay tinatantiya niya kung ano ang balak gawin ng kanyang mga amo na binulabog ng kolektor. Alam niya na maaring hindi na siya muling pirmahan ng kontrata pero handa na raw siya dahil may nakita na siyang amo na maari nyang lipatan, doon din sa North Point kung saan nakatira ang kasalukuyan niyang amo. – Merly Bunda