Batay sa tratong-alipin ng di-iilang amo sa kanilang mga dayuhang katulong at sa mga patakaran ng gobyerno ng Hong Kong, ang mga kasambahay ay itinuturing na parang mga walang personalidad sa lungsod na ito.
Mahirap tanggapin ang katotohanang may mga among Intsik na mas mahal ang kanilang mga alagang aso kaysa sa mga katulong na ipinagpalit ang sariling mga pamilya at dignidad upang nagsisilbi sa kanila.
Mababa kaysa sa hayop ang turing nila sa bawa’t Pilipino, Indonesian o iba pang dayuhang naglilingkod sa mga pamilyang lokal na kayang magpasahod sa kanila. Madalas, ganoon din ang turing nila pati sa mga nakakaangat na kalahi ng mga katulong dito.
Halos dalawang dekada matapos umalma ang mga Pilipino sa sinabi ng kolumnistang si Chip Tsao na tayo ay “isang bansa ng mga busabos” (a nation of servants), muling sumungaw kamakailan ang panliliit ng mga tagarito sa mga dayuhang katulong.
Ngunit sa pagkakataong ito, kasama na ang iba pang mga lahi sa nilait ng isang mambabatas ng Hong Kong, si Eunice Yung ng New People’s Party. Ang pinuna niya ay ang pagsisiksikan ng mga DH sa mga liwasan, mga tulay na pantao, at sa ilalim ng mga tulay kapag araw ng kanilang pahinga.
Ayon kay Yung, ang mga nakahambalang na karagatan ang mga dayuhang katulong sa mga pasyalan ng mga taga-Hong Kong ay nagdudulot ng abala at panganib sa kalusugan ng mga lokal na mamamayan.
Nagpanting ang mga taynga ng mga katulong, kabilang ang mga tagasuporta nilang Intsik at iba pang mga lahi. Ayon sa kanila, nababakas sa tinuran ni Yung ang diskriminasyon at panliliit sa ibang lahi at nasasalamin doon ang mga patakaran ng gobyerno ng Hong Kong na nagsasawalang-bahala sa mala-aliping pagtrato at abang kalagayan nila.
Hindi pinakikinggan ng gobyerno ang mga hinaing ng mga katulong ukol sa sapilitang pagtira nila sa bahay ng amo, labis-labis na oras ng pagtatrabaho, kawalan o kakulangan ng proteksiyon laban sa pagmamalabis ng mga amo, at di pantay na parusang ipinapataw sa amo at sa kanyang katulong kapag sila ay parehong napatunayang lumabag sa batas.
Ilan na ang mga kaso ng pananakit, pagmamalabis o pang-aabuso ng amo sa katulong ang matagumpay na inusig sa korte at napatawan ng karampatang parusa ang maysala? Halos wala. Tanging ang kaso ni Erwiana Sulistiyaningsih ang nagtagumpay sa korte. Nakulong ang amo dahil natuunan ng pandaigdigang media ang kaso at puting hukom ang lumitis.
Ngunit sa kasabay na kaso diumano ng pagmamalupit ng amo sa katulong, pinawalang-sala ng korte ang amo ni Anis Andriyani sa bintang na tinangka niyang putulin ang talasinsingan ng katulong matapos nitong iwasiwas ang walis sa alagang aso ng amo.
Ang halos kasabay ding kaso ng pagmamalupit ng amo na dinanas ng isa pang katulong, si Rowena Uychiatco, ay binale-wala ng pulisya dahil daw sa kakulangan ng ebidensiya.
Nariyan ding bantulot ang pulisya na aksiyunan ang mga kaso ng pambibiktima ng mga manloloko sa mga katulong, lalo na kung may kasangkot na salapi. Nakapagtataka ito dahil kapag may na-scam sa mga mamamayang lokal ay kumikilos kaagad ang pulisya at mabilis na nalulutas ang kaso.
Marami sa mga korte rito ang mga kasong panlilinlang sa kapwa na ang mga biktima at maysala ay mga lokal na mamamayan. Mabilis na dininig at dinisisyunan ng hukuman ang mga kaso nila.
Samantala, ilang kaso ng panlilinlang ng mga gahamang recruiter sa mga katulong ang ayaw pakialaman ng pulisya, at kapag naisampa naman ang mga iyon sa hukuman ay natutulog doon. Kapag napatunayan namang nagkasala ang recruiter, pagmumultahin lang ito ng kakatiting lamang ng kabuuang halagang piniga sa mga biktima.
Marami pang pagmamaltrato o diskriminasyon sa mga katulong ang madalas masaksihan ng madla sa Hong Kong, tulad ng hindi pagpapagamit sa kanila sa mga lift na pang-residente sa ilang gusaling tirahan, ang pagbabawal sa kanila sa mga clubhouse ng mga residential estate, ang pang-aaway ng mga local sa kanila sa mga park o mga bus.
Maraming insidente noong nakaraan ang ibinabalik sa alaala ng salita ni Eunice Yung. Kulang na lamang marahil na may magsabit ng karatula sa bungad ng liwasan na ganito ang nakasulat: “Bawal dito ang mga dayuhang katulong.”
Siguro ay oras na para itigil ng ibang bansa ang pagpapadala ng mga katulong dito.