Sa kabila ng maraming lakad sa araw ng dayoff ay naisingit ng grupo ng mga taga Mapandan, Pangasinan ang isang importanteng pagsasanay, ang libreng Financial Literacy na isinagawa ng Mobile Outreach Team ng Card Hong Kong Foundation.
Ang pagsasanay ay ginawa sa paanan ng footbridge katabi ng Wanchai Police station. |
Natutunan ng mga nagsanay ang pagsusulat ng adhikain para sa tamang paghawak ng kanilang kinita, paraan ng pag-iipon, at pagharap sa hindi inaasahang pangyayari, sa kanilang unang sesyon.
Isinalarawan ng founder ng Card HK na si Edna Aquino ang ganitong uri ng pagsasanay sa mensaheng ito sa Facebook: “Humans on the streets. Classrooms without borders. These are Filipino migrant workers (OFWs) in Hong Kong mentoring their “kapwa” OFWs to become financially literate as a first step towards attaining economic freedom. Spaces for learning on a weekend especially for people like them are very restrictive and expensive. Truly heroic.”
Ayon pa kay Aquino, aabot na sa 3,000 OFW ang dumaan sa ganitong uri ng pagsasanay sa tulong ng mga volunteer ng Card.
Laking pasasalamat naman ni Marilou de Vera, presidente ng Mapandan sampu ng mga miyembro, dahil sa kaalamang ipinaabot sa kanila, sa mismong istambayan nila.
Ang sabi niya, “Maraming salamat po sa mga trainors at marami kaming natutunan mula sa Card HongKong Foundation. See you next session po, excited na po lahat kami, salamat sa time na binigay niyo sa amin..”
Ang mga bagong nagtapos (itaas) na taga Mapandan, Pangasinan , kasama ang kanilang mga trainor. |
Tunay nga na sa isang lider na katulad niya, napakahalaga na mahanapan ang mga miyembro ng iyong grupo ng dagdag kaalaman.
Ang ikalawang sesyon ay gaganapin sa susunod na buwan na binubuo ng apat na malalaking usapin tungkol sa pagpapalago ng perang pinaghirapan.
Para sa mga grupo at asosasyon na nais ding sumailalim sa pagsasanay na dulot ng mobile outreach group na ito, magpadala lang ng mensahe sa Facebook Page: Card Hongkong Foundation o tumawag lang sa 9529 6392/ 5423 8196/ 9606 6810.