Sa katarantahan dahil malapit na niyang dapat sunduin ang alaga sa eskuwelahan at wala naman siyang hawak na cellphone para sana tumawag ng saklolo ay binasag niya ang makapal na bintanang salamin para makapasok muli sa bahay. Ni hindi niya naisip na sumigaw na lang at humingi ng tulong sa mga kapitbahay.
Galit na galit ang kanyang amo nang malaman ang ginawa niya, hindi lang dahil sa abala kundi pati na rin sa laki ng gagastusin para ipagawa ang nabasag na bintana na may cladding at curtain wall pa. Pina-estimate nila sa gagawa ang halaga ng gagastusin, at $52,800 ang ibinigay na kuwenta sa kanila.
Agad na sinabihan si A.E. ng amo na kailangan niyang sagutin ang $24,000 bilang parte sa pinsalang ginawa niya. Nataranta nang husto ang Pinay dahil ni hindi pa nga siya nagsusuweldo, at marami pa siyang utang sa Pilipinas.
Mabuti at may nagsabi na humingi siya ng tulong sa isang grupo na tumutulong sa mga kapwa niya bagong-salta. Agad naman siyang sinabihan na kumalma dahil ayon sa batas ng Hong Kong, hindi dapat lumampas sa $300 ang halaga ng anumang bagay o gamit ng amo na masira niya.
Gayunpaman, pinayuhan pa rin siya na lumapit sa Mission for Migrant Workers para makakuha ng paliwanag tungkol sa batas. Pinangaralan din siya ng mga tumulong na magpakahinahon sa anumang problema o pagsubok na pagdaraanan niya, dahil nakasalalay dito ang kanyang trabaho.
Sa nangyari, halimbawa, hindi siya dapat nagpadalos-dalos dahil baka may iba pang paraan para makapasok siyang muli sa bahay ng amo nang hindi niya kailangang gumawa ng malaking pinsala. Natural lang na magalit ang amo dahil ang problema ay bunga ng kapabayaan niya. – Rodelia Villar