Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Pagtataksil sa mga nagtiwalang OFW

21 May 2018

Ni Vir B. Lumicao

Hindi kami komportable sa pakikipagpulong ng Pangulong Duterte sa mga OFW dito sa Hong Kong noong Abril kung saan pumapel ang mga opisyal ng samahan ng mga lokal na employment agency.

Bago sila dumating sa Kai Tak Cruise Terminal para sa pakikipagpulong ng mga OFW sa Pangulo, na dumalaw dito noong Abril 5, ay isang marangyang hapunan sa tinuluyang hotel ang inihandog ng lider ng bansa sa “mga kaibigang taga-Hong Kong”.

Naganap ang sorpresang piging at pagdalo ng mga may-ari ng malalaking ahensiya sa “meeting with the Filipino community and forum” sa kainitan ng isyu ukol sa biglaang pagpapauwi ni Labor Secretary Silvestre Bello III kay Labor Attaché Jalilo dela Torre.

Nabigla ang marami sa 3,000 OFW na dumalo sa pagtitipon nang lumitaw sa VIP area sa harapan ng entablado ang pangkat ng taga-ahensiya at kitang-kita ang paglapit ng mga ito sa mga opisyal ng Gabinete, lalo na sa kalihim ng paggawa.

Kami man ay nabigla dahil ang pagpupulong na iyon ay ipinatalastas ng Konsulado na pakikipag-usap ng Pangulo sa mga OFW, isang bihirang pagkakataon upang maiparating ng mga manggagawa sa lider ng ng bansa ang kanilang mga hinaing.

Ngunit marami ang nabigo at doon mismo sa pagtitipon ay narinig namim ang kanilang himutok: “Akala ko ba meeting para sa mga OFW ito? Bakit nandiyan ang mga agency, bakit puro kantahan? Bakit puro pulitiko?”

Bago dumating ang araw na iyon ay umasa ang mga manggagawa na tatalakayin ng mga opisyal ng gobyerno ang isyung kinasasangkutan o mahalaga sa mga OFW.

Kabilang sa mga usaping ito ng pag-aalis sa overseas employment certificate (OEC), ang pagpapatupad sa IDOLE, ang permanenteng ID ng mga OFW na mahigit isang taon nang ipinangako ni Bello, ang pag-aalis sa contractualization, o “endo,” na pangako rin ng administrasyon, at ang pagrenda sa illegal na paniningil nga mga ganid na ahensiya sa Pilipinas at mga kasapakat nila rito sa Hong Kong. At siyempre, pati na ang hindi makatarungang pagpapaalis kay Labatt Dela Torre.

Bakit gustong dumirekta ng mga OFW rito sa Pangulo upan ihain ang kanilang hinaing?

Marahil, ito’y bunga ng malalim na pagdududa at malaon nang kawalan nila ng tiwala sa mga ahensiya ng gobyerno, tulad ng Philippine Overseas Labor Office, na siyang dapat nilang lapitan kapag may problema.

Bumalik lang ang tiwala nila nang dumating si Dela Torre, na isang maka-OFW.

Siya ang nagbawal sa mga amo na papaglinisin ang mga katulong sa labas ng bintana dahil marami na sa kanila ang namatay sa pagkahulog habang nagpupunas ng bintana. Umangal ang mga amo at ahensiya noong una, ngunit pormal na isinusog ng pamahalaan ng Hong Kong sa mga kontrata ng domestic helper ang patakarang iyon.

Naghigpit din si Labatt Jolly sa mga among terror sa mga katulong. Kumilos din siya laban sa mga ahensiyang sumingil nang labis o nagdadala ng mga bagong dating na kasambahay sa mga lending company upang mangutang ng perang kukunin ng ahensiya at kakaltasin sa sahod nila.

Nagprotesta at nagluksa ang mga OFW nang pabalikin ni Bello sa Maynila si Labatt Jolly dahil siya ang nagbalik ng tiwala ng manggagawa sa POLO. Umasa silang pati ang isyu ukol sa labatt ay matatalakay nila nang direkta sa Pangulo. Ngunit nabigo sila.

Ang paglitaw ng may-ari ng ahensiya sa hanay ng mga VIP at ang “dinner treat” ng Pangulo sa pangkat na iyon ay nakadagdag lang sa pagkabigong naranasan ng mga OFW.

Marahil ay hindi nakita ng Pangulo ang magiging negatibong dating niyon sa mga OFW rito. Tila hindi nakakarating sa kanya ang pananamantala ng mga ahensiya sa mga katulong at pagpapabaya sa mga ito kapag minamaltrato ng mga amo.

 Kung sinuman ang nakaisip na yayain ang mga ahensiya sa pagtitipon noong Abril 5, halatang iyon ay sinadyang pagtataksil sa mga OFW.
           

Don't Miss