Lumipat siya sa bagong amo matapos mag-aral mag-drive, at na-offeran ng mas malaking suweldo. Mababait naman ang kanyang mga bagong amo.
Sa unang gabi niya sa kanila ay sinabihan siyang umupo sa hapag-kainan kasama ang isang kababayang babae. Dahil asiwang-asiwa siya sa pagkilos ay nakiusap siya na sa kusina na lang kumain sa susunod, at pumayag naman sila. Agad namang sumama sa kanya ang kasamang Pinay na hindi rin pala komportable na kasama ang mga amo sa hapag-kainan.
Hindi rin madamot ang mga amo sa pagkain. Isang araw ay may nakita siyang mangga sa kusina, at tinanong niya ang kasambahay kung puwedeng kumain nito. Ang sagot naman ng Pinay, “Ang sabi ni boss ay ganito, you can eat but do not finish it.” Tawanan silang pareho sa sinabi nito.
Sa pagdaan ng mga araw ay nagpatuloy ang pagkailang ni Joe sa mga ginagawa sa loob ng bahay ng amo. Minsan kasi ay sinita siya ni paupau dahil nakita siyang nagkakamay sa pagkain. “Oh ow wu cho, um kon cheng,”sabi ni paupau, na ang ibig sabihin ay madumi.
Napahiya si Joe kaya mula noon ay nagkakamay na lang siya ulit kapag sa labas nag-dinner ang mga amo. Ang isa pang pinuna ng mabait na matanda ay iyong paggamit niya ng malaking bowl sa pagkain. Medyo bitin daw kasi siya sa bowl na maliit, na siyang ginagamit ng mga Intsik sa pagkain.
Pagkakita sa kanya ng matanda ay sinabi ang “Whoa, sik kam to” na ang ibig sabihin ay ang takaw naman niya. Dahil medyo sanay na sa kantyaw ng matanda ay tinawanan na lang niya ito, at pagtalikod ay bumalik sa kanyang malaking kainan.
Bagamat naninibago pa rin ay natuto na ring sakyan ni Joe ang mga kaugalian ng mga amo, katulad halimbawa ng kapag may inabot sa iyo ay dapat dalawang kamay ang iyong gagamitin sa pagtanggap. Sinusunod din niya ang pamahiin nila na maligo ng may dahong pinakulo, sa kaisipang nakakatulong ito para mapaalis ang mga masasamang espiritu.
Sabi ni Joe, madami siyang natutunan sa kulturang Intsik ng dahil sa pagtira sa bahay ng amo. Hindi naman daw masama ang makibagay kung hindi naman makakasama sa iyo. Ang pinakaimportante, mababait ang kanyang mga pinagsisilbihan at hindi marunong magtanim ng galit. Maaaring sitahin ka ngayon sa ginawa mo, pero kinabukasan ay ok na ulit sila. – George Manalansan