Ni George Manalansan
Halos 200 migranteng manggagawa mula sa tatlong grupo ng mga nagsipagtapos ng Financial Literacy Program ng Card OFW Foundation ang nagtipon-tipon sa isang parangal na isinagawa sa Bayanihan Centre sa Kennedy Town noong Abr 29.
Naging panauhing pandangal si Consul General Antonio Morales, na nagsabing iyon ang una niyang pagpunta sa Bayanihan Centre magmula nang dumating siya sa Hong Kong ilang buwan na ang nakakaraan. Ikinuwento niya na nasa 180,000 ang mga OFW sa Singapore na karamihan ay mga skilled at professional worker, hindi katulad sa Hong Kong na higit na nakakalamang ang mga kasambahay sa tinatayang bilang ng mga Pilipino na 220, 000.
Kamakailan ay nagkaroon daw siya ng pakikipagpulong kay Chief Executive Carrie Lam at Chief Secretary Matthew Cheung. Kanila daw pinasalamatan ang mga Pilipino dahil sa naging ambag nila sa paglago ng ekonomiya ng Hong Kong. Datapwat may mga abusadong employer ay isa na daw ang Hong Kong sa mga lugar sa buong mundo kung saan mas protektado ang mga manggagawa. Sa kabila nito, hindi pa rin ganap na kinikilala ng Hong Kong ang serbisyo ng mga manggagawang dayuhan dahil hindi sila binibigyan ng karapatan na maging residente.
Dagdag pa ng ConGen Morales, hindi polisiya ng gobyerno ang magpadala ng trabahador sa ibang bansa, lalo na sa lugar na mataas ang bilang ng mga minamaltrato. Ngunit dahil sa kakulangan ng oportunidad sa ating bayan kaya hindi maiwasan ng mga Pilipino ang maghanap ng trabaho sa labas ng bansa.
Naikuwento din niya na napansin niya na sa gusali ng Konsulado ay may isang pautangan na mas mahaba pa ang pila minsan kaysa sa kanilang opisina. Talaga daw na malaking problema ang utangan sa Hong Kong kaya dapat na maghanda ang mga manggagawa para sa kanilang kinabukasan sa pamamagitan ng pag-iipon at pagdadagdag kaalaman, gaya ng ibinibigay ng Card.
Payo niya, “Bigyan ng aksiyon ang inyong mga pangarap at maghikayat pa sa kapwa na sumali sa Card Financial Literacy Program.” Dagdag payo pa niya, “knowledge is power”, “invest in your future,’ “make your dreams come true,” bago sinabi ang “Congratulations.”
Ayon naman sa sugo ng Card MRI sa Pilipinas na si Pauline Landicho, mayroon nang apat na milyon na kliyente ang grupo sa 82 probinsiya sa bansa, kung saan naabot na nila ang 95% ng lahat ng mga munisipyo, at 96% ng mga barangay.
Ayon pa sa kanya, umabot na sa 2,514 ang nagtapos ng Financial Literacy at 1,578 naman ang nakinabang na sa mga produkto at serbisyo ng Card MRI. Pangarap daw ng Card na magkaroon ng marangal na buhay ang bawat Pilipino kaya’t patuloy silang nagsisikap para tulungan ang mga komunidad na matupad ang kanilang mga pangarap.
Naging bisita rin si Fr. Jim Mulroney na sa simula’t sapul ay sumusuporta sa mga programa ng Card.
“Congratulations, this is the beginning of your success,” mensahe niya sa mga nagtapos.
Si Maria Ragasa, isa sa mga kliyente ng Card, ang nagsabi na mas pinili niya ang maging negosyante kaysa magtrabaho bilang nars sa Amerika. Dahil daw sa pinahiram na puhunan sa kanya ng Card ay napalago niya ang kanyang negosyo na buy ang sell. Kamakailan ay isa siya sa mga sumali sa product expo na ginanap sa Convention and Exhibition Centre sa Wanchai.
Nagbigay naman ng testimonya si Marcelino Bate ng batch 45 sa positibong pagbabago na idinulot sa kanya ng fin-lit program. Ayon sa kanya mahalaga na matuto din ang mga kapamilya ng OFW sa paghawak ng pera para maging katuwang sila sa pagsusulong nga kanilang kabuhayan.
Payo pa niya, maging totoo sa sarili at ipaalam sa pamilya ang hirap ng nangngamuhan sa ibayong dagat.
Para naman kay Sylvia Basilio na isa rin sa mga nagtapos mula sa batch 47, inabot na siya ng pitong taon sa Hong Kong na walang ipon para sa sarili dahil nauubos ang sahod para sa kapamilya. Ngayon ay nag-iba na ang kanyang pananaw, salamat sa mga natutunan niya mula sa Card.
Lahat ng mga nagbigay ng testimonya ay naghikayat sa mga kapwa nila migranteng mangagagawa na lumahok din sa pagsasanay ng Card.
Para sa susunod na libreng pagsasanay sa ika-23 ng Hunyo at ika-22 ng Hulyo, tumawag lamang sa 9529 8196 o 9606 6810 para magparehistro.