Tinandaan niya kasi na iyon ang petsa sa kalendaryo kung saan sinulat ng amo niyang lalaki na hindi sila kakain sa bahay ng gabing iyon. Nang sabihin niya ito sa mga amo ay sinabihan siya ng lalaki na basahing maigi ang petsa kung saan iyon nakasulat, at noon lang napansin na sa buwan ng Mayo pala siya tumitingin, e Abril pa lang noon.
Nang malaman ng amo ang dahilan ng kanyang pagkakamali ay sinabihan siya sa banayad na salita na ipagluto na lang sila ng simpleng noodles, kahit udon o mifan na may sahog na balls o dumplings at gulay.
Pinagpawisan ng husto si Flora kahit medyo nawala na ang kanyang kaba. Hindi kasi iyon ang unang pagkakataon na pumalpak siya sa pagbabasa ng memo sa kalendaryo na sinulat ng kanyang mga amo. Mula noon ay itinaon niya sa isip na ilang beses na niyang sisiguraduhin ang mga petsang hindi siya kailangang magluto ng hapunan. – George Manalansan