Eksaktong pamasahe lang ang ibinigay ng kanyang amo kaya napilitan siyang humiram ng pera para may gastusin sa isang araw na paglilibot, kasama na ang pangkain. Unang punta pa lang niya sa Macau kaya gusto niyang makasiguro na may ekstra siyang pera na panggastos kung sakali.
Kasama ang kaibigan ay nakapasyal naman sila sa ilang mga tanawin sa Macau bago nagkasundong umuwi na.
Habang naghihintay ng ferry pabalik ng Hong Kong ay may nakakwentuhan sila na isang Pilipina na kasambahay din. Napagkuwentuhan nila ang mga lugar na magandang pasyalan sa Macau at nasambit ni Myrna na masaya nga ngunit magastos ang mamasyal lalo na kung gipit sa budget.
Nang usisain siya ng kausap tungkol dito ay sinabi ni Myrna na kailangan kasing bumili ng pagkain at mamasahe ng ilang beses para makalibot.
Ayon naman sa Pinay hindi naman kailangan na gumastos ng malaki para makapamasyal sa Macau. Sa halagang $500, kasama na ang bayad sa ferry, ay maaari nang mag-enjoy sa pamamasyal, basta marunong ka lang.
Ayon sa Pinay, siya daw ay nagbabaon ng pagkain kaya hindi na kailangang gumastos para dito, at hindi na rin kailangang mag-ubos ang oras sa paghihintay ng makakain sa restawran. Hindi din siya gumagastos ng malaki sa pamasahe dahil sumasakay lang siya sa libreng shuttle na lumilibot sa mga magagarang casino doon.
Tuwang tuwa si Myrna sa mga ibinahaging kaalaman ng kausap dahil balak nilang magkaibigan na bumalik ulit sa Macau para mamasyal. Sa susunod, alam na daw nila ang kanilang gagawin. Si Myrna ay dalaga at kasisimula lamang sa ikalawang kontrata sa mga among intsik na may dalawang anak at nakatira sa Baguio Villa sa Pokfulam. – Ellen Asis