Pinili niya ang mangibang bayan para magtrabaho dahil ayaw niya mangyari na kapag humingi ne pera ang mga anak ay wala siyang maibigay. Ngunit taliwas ito sa payo ng isang Pinay na nakilala niya sa building nila, at 10 taon na sa Hong Kong.
Ayon sa Pinay mas makakabuting dumanas ng hirap ang mga bata upang matutong magsikap. Ito raw ang huhubog sa kanila para mangarap at magsipag sa pag aaral.
Napag alaman ni Luz sa kwento nito na nagkaproblema ito sa anak dahil ibinigay nito ang lahat ng hilingin ng bata, tulad ng mamahaling telepono, laptop at iba pang gamit, ngunit nabarkada at nakabuntis sa murang edad.
Ayon pa sa Pinay katulad din niya si Luz noon na ayaw maghirap ang anak kaya pinalaki niya sa layaw. Ngayon ay problemado ito dahil umaaasa lang sa kanyang padala ang anak at kung hindi ito makapagbigay ay masasakit na salita ang naririnig.
Mababanaag sa mukha ng Pinay ang pagsisi at lungkot. Sinabi na lang ni Luz na ipapanalangin niya na nawa ay magbago ang anak nito. Susundin din daw niya ang payo nito para maiwasan na maligaw ng landas ang kanyang mga anak.
Tatandaan niya na ang dapat niyang ibigay ay iyong tamang pangangailangan lang nila, at hindi ang mga luho sa buhay. Si Luz ay anim na buwan pa lamang sa among naninirahan sa Tung Chung. – Ellen Asis