Agad sinabi ni Milet sa kaibigang si Glenda na 41 taong gulang, na subukan na lang nila na gumamit ng pabangong Dream Love, at balita niya ay mabisa talaga ito. Sagot naman ni Glenda, “Sige ate, mauna ka at kung may naghabol sa iyo ay bibili din ako.”
Nagtawanan silang lahat sa kanilang chat sa sagot ni Glenda. Ang hindi alam ng mga kausap ay isa si Milet sa mga napabilib ng Dream Love dati. Hindi niya makalimutan ang nangyari noong taong 2009, nang pauwi sila ng.kanyang ate sa Pilipinas.
Nag check-in sila ng kanilang mga bagahe sa Central station ng Airport Express, at dahil gabi pa ang kanilang lipad ay naisipan ni Milet na subukang bumili ng Dream Love, na noong mga panahong iyon ay sikat na sikat sa mga OFW sa Hong Kong. Nakabili naman siya sa halagang $80 lang, at nakatuwaang gamitin agad.
Walang kakatwang nangyari sa kanilang biyahe mula Hong Kong hanggang Maynila, pero pagdating nila para maghintay ng kanilang connecting flight sa Iloilo ay nangyari ang hindi inaasahan. May nakakuwentuhan si Milet na isang Pinoy na marino galing ng Brazil.
Bumaba daw ito ng barko dahil biglang namatay ang kanyang ina kaya kinailangan niyang umuwi agad sa Cotabato. Napahaba ang kanilang kuwentuhan, mula sa trabaho hanggang sa kanilang buhay OFW, hanggang niyaya na sila ng lalaki na magmeryenda.
Nang malapit nang sumakay si Milet at ang kanyang ate sa kanilang eroplano ay biglang sinabi ng marino na sasama ito sa kanila sa Iloilo. Pero hindi pumayag ang ate ni Milet, at sinabihan nito ang lalaki ng, “namatay ang nanay mo, saan ka pupunta? Dumiretso ka sa bahay ninyo.”
Nang hindi mapilit ang dalawa ay hiningi na lang ng lalaki ang address ni Milet sa Hong Kong. Pagkatapos ng tatlong linggong bakasyon ay bumalik na sina Milet sa Hong Kong. Ilang araw pa lang siya nakakabalik ay nakatanggap na siya ng sulat galing sa marino mula sa Cotabato.
Nagulat si Milet nang ipagtapat ng lalaki sa sulat na na love-at-first-sight daw ito sa kanya. Hindi daw nito maintindihan, basta iyon ang naramdaman niya. Sa kasamaang palad ay kasasagot lang ni Milet noon sa isang ka penpal na engineer sa Taiwan, at agad na sinabi sa marino na may kasintahan na siya.
Hindi naman nabahala ang lalaki, at sinabi na baka magbago pa ang kanyang isip. Ilang beses din itong sumulat na nanliligaw pero hindi natigatig si Milet dahil ayaw niyang mamangka sa dalawang ilog.
Kinalaunan ay nalaman niyang ang kasintahan pala niya ang two-timer. Umuwi pala ito sa Pilipinas nang hindi nagsasabi, at may ka live-in na. Hindi na muling nakarinig si Milet ng balita tungkol sa marino, pero sa pagdaan ng panahon ay hindi niya mapigil na sumagi sa isipan niya ang tanong na, ano kaya kung ito ang sinagot niya? Baka nagkatuluyan sila. Pero malamang, aniya, nakahanap na ito ng iba, at may anak nang napatapos sa kolehiyo.
Sana, napaaga daw ang paggamit niya ng Dream Love at baka yung lalaking totoong nabighani sa kanya sa tunay na buhay at hindi sa panulat lang ay hindi magtataksil. Si Milet ay nakatira sa Clear Water Bay at patapos na ng pang apat na kontrata sa kanyang mga among Pranses. Hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa na magkakaroon din siya ng “forever.” – Merly Bunda