Sa kabila ng malakas na ulan at hangin ay hindi mapigilan ng grupo ni Lia Galve ang pananabik na marating nila ang isla ng Po Toi nang magsagawa sila ng kanilang ika-tatlong “Friendship Hike for a Cause” noong ika-15 ng Abril. Mabuti na lang at mga isang oras matapos silang magdesisyon na ituloy ang lakad ay parang milagrong bumuti ang panahon.
Sa Blake Pier ng Stanley, bandang alas 11 ng umaga, nang magkita-kita ang grupo kasama ang kani-kanilang mga kaibigan para sa kanilang nakatakdang pamamasyal sa Po Toi. Habang naghihintay ng “kaito”, o maliit na ferry na maghahatid sa kanila sa isla ay masayang nagkumustahan ang grupo. Maya-maya pa ay biglang sumungit ang panahon. Dumilim ang langit bago bumuhos ang ulan na may kasamang hangin.
Isa sa pinakamataas na bundok sa isla. |
Lalong tumindi ang kanilang agam-agam nang dumating na ang kaito, eksaktong 11:30 ng umaga. Agad silang nagkunsultahan. Sasakay ba sila o magpapaiwan? Tumingala silang lahat sa langit na para bang humihingi ng senyales sa kalikasan. Isang batikan na sa hiking ang nagsabi na malamang na titigil din ang ulan dahil abot-tanaw ang maaliwalas na panahon sa may di kalayuan. Isa sa kanilang kasama ang nag-alinlangan, pero biglang sumagi ang dating karanasan sa bukid kung saan malalaman mo sa hitsura ng ulap kung magpapatuloy ba ang malakas na ulan o titila din paglipas lang ng ilang minuto. Sa tingin niya, hindi magtatagal ay mapapawi din ang sungit ng panahon kaya sumama na siya sa pagsakay sa bangka.
Pagdaong nila sa isla ay umaambon pa rin, at dahil oras na ng tanghalian, nagpasya silang kumain na muna. Sa hindi kalayuan ay matatanaw na ang ginagawang templong kawayan, at sa bungad naman ay mga lumang tindahan ng mga pinatuyong lamang dagat at sariwang seaweed, na siyang pinaka-kilalang produkto sa isla. Dahil may kanya-kanya silang dalang baon ay nagpasya silang bumili na lang ng seafood noodles para hindi nakakahiyang makigamit sa mga mesa doon.
Pagkakain ay tila nakiayon ang panahon dahil biglang nagliwanag ang paligid. Tuwang-tuwa ang lahat dahil siguradong isa na namang kaaya-ayang paglalakad ang kanilang mararanasan, dito sa mga isla na kilala bilang “South Pole of Hong Kong”.
Sa umpisa ng kanilang paglalakad ay kinailangang tahakin ng grupo ang isang mistulang kagubatan na mga 100 metro ang haba. Bagamat masukal ay naaliw naman sila sa dami ng mga tutubi at paro-paro sa paligid, na para bang umaalalay sa kanilang paglalakad.
Paglampas dito ay agad na tumambad sa kanila ang kakaibang tanawin ng mga bulubundukin at talampas na gawa sa granite, na siyang karaniwang makikita sa mga litrato ng Po Toi. Sa umpisa ay parang nakakatakot na tahakin ang lugar, nguni’t agad ding mapapansin na sementado ang daraanan, at may mga hawakang rehas bilang dagdag sa seguridad sa mga namamasyal dito.
Mabatong lakbayin. |
Mula sa daraanan ay makikita ang isang hagdanan papunta sa gilid ng dalampasigan na walang tigil na hinahampas ng alon. Hindi maipagkakaila na malakas ang alon dahil kitang-kita ang pagkahawi ng mga seaweed tuwing salpok nito sa pampang. Ang isa pang nakatawag-pansin ay ang maraming ibon sa naghahanap ng matutuka sa buhanginan.
Ang isla ng Po Toi ay tinatayang apat na kilometro- kuwadrado ang kabuuang sukat, pero may 200 katao lang na naninirahan. Kabilang sa mga na may landmark o muhon sa isla ang Tin Hau temple, ang Old Mansion of Family Mo na may reputasyon bilang isang haunted house, at ang mga naglalakihang mga bato na iba-iba ang hugis, katulad ng Palm Rock na hugis-palad; ang Tortoise Rock na mistulang pagong na gumagapang paakyat; ang Monk Rock na animo ay isang monghe na nakaupo at nagtuturo sa mga maliliit na bato sa paligid na parang mga batang monghe.
Sa isang mataas na bahagi ng isla ay makikita ang isang lighthouse. Matatanaw mula dito ang timog karagatan ng Hong Kong, ang mga naglalayag na mga barko, speed boat, at kaito, ang pati ang mga karatig na isla.
Makatawag-pansin din ang isang pader sa gilid na isang bato kung saan makikita ang mga nakaukit na mga hayop, isda, ulap, kidlat at tao, at ayon sa impormasyon doon ay mahigit 3,000 taon na ang mga ito. May makikita ding mga inukit na mga anito at totem pole ng mga sinauang tao na nanirahan dito ilang libong taon na ang nakakaraan,
Ang Po Toi ay isa sa walong isla sa Hong Kong na may rock carving sa tabing dagat. Ang iba pa ay Shek Pik, Cheung Chau, Wong Chuk Hang, Big Wave Bay, Lung Ha Wan, Kau Sai Chau, Tung Lung Chau. Ang pag-aalaga sa mga rock carvings na ito ay isinailalim sa HK Antiquities and Monuments Office para masiguro ang kanilang pagpapanatili
Kitang kita ang pagsisikap ng pamahalaan ng Hong Kong na gawing kaaya-aya ang pamamasyal dito dahil maraming mga portable toilet sa paligid para sa mga bisita na hindi mapigilan ang tawag ng kalikasan.
Sa isang dako naman ay may isang sementeryo na kadalasang iniiwasang mahagip ng camera ng mga nag se selfie,
Tuwang-tuwa ang lahat ng mga sumali sa lakad dahil nakakita sila ng mga kakaibang tanawin, at nakaramdam ng kakaibang ihip ng hangin. Kabilang sa kanila sina Edna Solidad at Rowena Arandia, na mga nature lover daw.
May dalawang residente din na nag-enjoy, ang magkapatid na sina Ronnie at Marissa Torralba, na natuwa dahil isang magandaang paraan daw ng pag-eehersisyo ang kanilang ginawa.
Bago umuwi ay hindi nakaligtaan ng grupo na bumili ng mga pinatuyong seaweed sa halagang $10 lang bawat pakete. Bukal sa loob din silang nag-ambagan para sa itinakdang beneficiary ng kanilang proyekto, ang mga bata sa Guimaras Island kailangan ng tulong para sa kanilang mga gamit sa eskuwela, sa pamamahala ng children’s ministry ng Guwainon Fundamental Baptist Church.
Madali lang puntahan ang Po Toi island. Mula sa Central ay sumakay ng bus 6, 6A, 6X, 66, 260 papunta sa Stanley Blake Pier, at mula dito sumakay ng kaito papunta sa isla.