Ayon kay Lei sa unang pagkakataon na dumalo siya sa isang seminar na itinatag ng The SUN at nakilala niya si Lena ay saka lang naging kapaki-pakinabang ang araw ng kanyang pahinga.
Dati ay marami siyang hindi alam sa nangyayari sa kanyang paligid at laging lakwatsa lang ang ginagawa kapag araw ng linggo. Lagi siyang nasa Central at kung minsan ay nakikipag-inuman sa mga kaibigan kaya lumasing kung umuwi sa bahay ng amo sa Discovery Bay.
Ngunit ang lahat ng ito ay nabago nang maging kaibigan si Lena. Tuwing araw ng Linggo ay dumadalo na rin siya sa seminar at hindi na nakikipag-inuman.
Dahil sa mga natutunan sa seminar ay may naitatabi na siya mula sa kanyang suweldo dahil hindi na siya gumagastos ng malaki o bumibili ng alak at pulutan. Masaya siya dahil sa nadadagdagan na ang kanyang kaalaman ay nakakatipid pa siya.
Si Lei ay tubong Pangasinan, edad 38 at may dalawang anak sa Pilipinas samantalang si Lena ay dalaga at naninilbihan sa Mid-Levels. Kadarating pa lang niya sa Hong Kong nang mapasama sa mga Pinay na aktibo sa pag volunteer sa Konsulado. Dahil dito ay marami na siyang nadaluhan na mga pagsasanay at pagtitipon na kinapupulutan ng aral. – Ellen Asis