Taong 1990 nang magkila-kilala sila sa isang boarding house sa Nim Shue Wan village sa Discovery Bay. Legal pa noon ang stay-out dahil mga 50,000 pa lang ang bilang ng mga migranteng domestic helper sa Hong Kong.
Kasama sa grupong ito si Myla na dati nang nagtrabaho dito noong 1987 pero na terminate kaya umuwi. Pagbalik niya makaraan ang tatlong taon ay isinama siya ng kanyang ate sa isang boarding house, kung saan may tatlo pang ibang nakatira.
Naging masaya ang kanilang samahan, bagamat mula sila sa iba-ibang probinsiya. Sama-sama sila sa pagkain, at hati-hati sa mga gastusin katulad ng upa sa bahay at bayad sa kuryente, tubig at telepono. Mahilig silang lahat sa pakikipag penpal, pati yung mga may asawa na. Humingi naman daw sila ng permiso sa kanilang mga asa-asawa dahil parang aliwan na lang naman nila ang pakikipagsulatan sa iba.
Pinakabata si Myla kaya parang ate ang turing niya sa mga kasamahan. Sa loob ng mahigit isang taon silang nagsama-sama ng masaya, hanggang nagdesisyon ang dalawa sa kanila, sina Zita at Lilia, na pumunta sa Japan. Doon kasi nagtatrabaho bilang waiter ang asawa ni Lilia, at kinumbinsi sila na lumipat doon dahil madali pa noon ang makapagtrabaho doon.
Pagdating sa Japan ay laging tinatawagan ng dalawa si Myla at hinihimok na sumunod sa kanila. Sagot na daw nila ang pamasahe, tirahan at pati show money niya, pero natakot si Myla kaya tumanggi sa alok. Ang sumunod na pumunta sa Japan ay si Merlie, dahil nakapunta na din doon ang asawa bilang chief cook sa isang restaurant.
Dahil dito ay sina Myla at Sofia na lang ang naiwan sa boarding house.
Noong una ay lagi silang nagtatawagan hanggang naging pare-pareho na silang abala sa trabaho. Nakailang beses ding lumipat ang mga amo ni Myla sa nagdaang 14 na taon kaya hindi na alam ng iba kung paano siya hahanapin. Tanging ang ate na lang niyang si Merlie ang nakakausap niya.
Kamakailan ay laking tuwa ni Myla dahil nakita niya pareho sa Facebook sina Zita at Lilia. Ayon kay Merlie, nakapangasawa ng isang negosyanteng Australian si Zita matapos mabiyuda. Si Lilia naman ay nag for good na dahil malaki na ang negosyong poultry sa bayan nito sa Pampanga. Si Merlie naman ay sa US na nakatira, dahil dinala doon ng anak na naging piloto.
Bale si Sofia na lang ang hinahanap ni Myla dahil walong taon na ang nakakaraan nang huli siyang makabalita tungkol dito. Ayon sa balita, nakapangasawa ng foreigner si Sofia, at nagkaroon ng anak na matalino at pambato sa beauty contest ang ganda.
Kamakailan, nag group chat sila sa messenger at naalala nila yung may ipinakilala sa kanila na vice consul ng Indonesia, na sumama pa sa kanilang mag barbecue. Minsan ay naisipan nina Merlie at Sofia na puntahan ang address na nasa tarheta na ibinigay sa kanila. Pagdating doon ay may napagtanungan sila na isang guwardiyang Intsik. Ang sabi sa kanila ay “Sohail is a drewil, drewil”.
Bandang huli ay napagtanto nila na ang ibig sabihin ng Intsik ay yung kaibigan nilang si Sohail ay driver lang pala ng vice consul ng Indonesia. Tawang tawa ang barkada sa pagbabalik-tanaw sa kanilang samahan, at sinabing sana ay magkita-kita silang muli pagdating ng panahon. Tuwang tuwa din ang mga nakakatanda sa grupo dahil ang kanilang bunsong si Myla ay naging isa sa mga lider ng Filipino community sa Hong Kong. – Merly Bunda