Hindi kasi sila nagkaintindihan nung tindera. Ang dinig kasi niya ay $30 lang ang isdang itinuro at pinalinis. Ngunit nang iabot na niya ang $50 para ipambayad ay isinulat ng tindera sa papel ang tunay na presyo ng isda: $130 pala iyon.
Napanganga si Maricel pero kailangan niyang bayaran dahil napalinis na niya. Ubos agad ang budget niya para sa dalawang araw. Buong araw siyang pinagpawisan at hindi makapagtrabaho ng maayos dahil sa nagyari, hanggang dumating ang amo nya.
Kinakabahan na sinabi ni Maricel sa among lalaki ang pagkakamali, at ganoon na lang ang pasasalamat niya dahil tinawanan lang siya nito at sinabing huwag nang mamroblema.
Baguhan pa lang si Maricel sa mga among taga Taipo, at may dalawa siyang alaga, isang 10 at isang walong taong gulang. Siya ay 24 taong gulang, dalaga, at taga Bulacan. Kahit mababait ang mga amo niya ay hindi pa rin maiwasan ni Maricel ang mag-alala dahil pareho pa silang nag aadjust. - Rodelia Villar