Matagal ng pine-petisyon si Lyn ng kanyang nobyo na isang Pinoy na naninirahan na sa Amerika pero ayaw niya dahil alam daw niyang kailangan niyang kumayod doon nang husto para mabuhay at mabili ang mga gusto.
Wala naman daw katiyakan na ibibigay lahat ng nobyo ang mga gusto niya, at higit sa lahat, iba pa rin ang may sariling pera. Magaan kasi ang trabaho niya sa Hong Kong, at kung tutuusin ay pwedeng pwede na siyang umuwi sa Pilipinas dahil nakapagtapos na at kasalukuyang nagtatrabaho na ang kanyang mga anak.
Kabaligtaran naman ang sitwasyon ni Susan dahil gustong gusto nito na pumunta ng Amerika pero hindi niyayaya ng kasintahan na Pinoy din. Ayon kay Susan, handa siyang gumastos para lang makapunta doon, pero sa ngayon ay marami pa siyang pinagkakagastusan dahil nasa kolehiyo pa ang dalawa niyang anak na mag-isa niyang itinataguyod.
Minsan, napapaisip si Susan na hiwalayan na an
g kasintahan at maghanap ng iba na handa siyang dalhin sa Amerika sa lalong madaling panahon. Payo ni Lyn kay Susan ay maghintay na muna dahil darating din ang pangarap nito na makapunta sa Amerika. Minsan tinutukso ni Susan na dapat ay nagkakilala sila ng nobyo ni Lyn dahil gusto itong ipetisyon pero ayaw naman, samantalang siya ay atat na atat nang makapunta doon.
Ayon naman kay Lyn, iba-iba lang talaga ang suwerte ng mga tao. – Ellen Asis