Tila natigatig ang mga opisyal ng Department of Labor and Employment sa hindi nila inaasahang malawak na suporta ng mga OFW dito sa Hong Kong kay Labor Attache Jalilo dela Torre, na biglaang pinababalik sa Maynila.
Paiba-iba ang sinasabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na dahilan ng pagpapatawag niya kay Labatt Dela Torre. Noong unang tinanong siya ng The SUN tungkol sa balitang sisibakin niya ang pinuno ng Philippine Overseas Labor Office sa Hong Kong ay sinabi niyang “fake news” iyon.
Ngunit wala pang isang buwan pagkalipas niyon ay nagpadala si Bello ng memo kay Dela Torre na ganito ang nakasaad: “In the best interest of the service, you are hereby recalled to Home Office effective immediately.”
Nang mag-rally ang mga OFW laban sa recall order dalawang araw matapos ipadala ito ni Bello ay sinabi naman ni Bello sa ibang mga mamamahayag na pansamantala lamang iyon. Ngunit taliwas sa sinabi niyang “temporary” lamang ang recall, ipinasuko na niya ang lahat ng pera, mga gamit at dokumento na pag-aari ng POLO sa kanyang assistant labatt.
Ayaw ring tanggapin ni Bello na kusang nagpuprotesta ang mga OFW dahil mahal nila ang labor attaché na nakita nilang tunay na nagmamalasakit sa kanila. Ayon sa isang pahayagan sa Pilipinas, sinabi diumano ng pinuno ng DOLE na si Dela Torre ang nanawagan sa mga manggagawang Pinoy sa Hong Kong upang mag-rally para sa kanya.
Ayaw maniwala si Bello na ang malawakang protesta sa magkasunod na Linggo at sa mga darating pang mga araw laban sa kanyang desisyon na pauwiin si Dela Torre ay taos sa pusong isinasagawa ng mga OFW bilang pagsuporta sa isang opisyal ng POLO na tapat na naglingkod at nagtanggol sa mga karapatan nila.
Nagpahiwatig ang kalihim ng paggawa sa kanyang memo ka Dela Torre na mayroong hindi magandang ginawa ang pinuno ng POLO, gayundin sa mga sinasabi niya sa iba’t ibang taga-media. Ngunit, ayon na rin kay Dela Torre, hindi sinabi sa kanya ni Bello kung ano ang kanyang nagawang mali o di-kanais-nais.
Sinabi naman ng malalapit kay Bello na ang dalawang dahilan ay ang “favoritism” diumano ni Dela Torre sa pagbibigay ng accreditation sa mga employment agency dito sa Hong Kong at ang pag-iisyu niya diumano ng mga overseas employment certificate sa mga OFW na nasa Shenzhen of mga kalapit na lugar sa China.
Tungkol sa unang paratang, sinabi ni Dela Torre sa manunulat na ito na wala siyang natatandaang ahensiyang tinanggihan niyang bigyan ng akreditasyon. Sa tingin niya ay pinalulutang lamang ng mga may galit sa kanya ang bintang na may pinapaboran siya.
“Accreditation is inherently a discretionary act, and it is up to the Labor Attache to recommend accreditation to which agencies to (the Philippine Overseas Employment Administration),” ani Dela Torre.
Sa katunayan ay nagpatupad siya diumano ng bagong sistema ng akredistasyon na tinatawag na “8Ps” upang alisin ang “discretionary” o di-sapilitang aspeto ng proseso sa akreditasyon upang ito ay higit na magiging hayagan at naaayon sa mga matuwid na pamantayan sa pangangalap ng mga manggagawa.
Tungkol naman sa pagbibigay diumano ng OEC sa mga OFW sa China, sinabi ni Dela Torre na sang-ayon iyon sa POLO Manual.
Kung gayon, ano ang maaaring dahilan kung bakit pinauuwi si Dela Torre nang hindi sinasabi sa kanya ni Bello kung ano ang nilabag niya sa mga alituntunin ng DOLE? Bakit ganoon na lang ang pagmamadali niyang pabalikin sa Maynila si Dela Torre nang hindi sinasabi sa kanya ang mga dapat niyang saguting paratang?
Ang sapantaha ni Labatt Dela Torre ay posibleng may kinalaman sa pag-recall sa kanya ang pagtanggi nito sa mga karagdagang job order para sa mga “bar dancer” na Pilipina pagkatapos niyang matuklasan na ang unang pangkat ng 25 mananayaw na inaprubahan niya ay nagtatanghal sa mga bar sa Wanchai na kaunti lang ang saplot.
Simula noong inaprubahan niya ang unang pangkat ng mga bar dancer ay nagkaroon uli ng 123 job order para sa mga mananayaw na balak ipadala sa Hong Kong ng dalawang ahensiya sa Maynila, ayon sa listahan ng mga active job orders ng POEA.
Nabinbin ang mga job order dahil sa hindi pagpasa ni Labatt Dela Torre sa mga ito matapos matuklasan ang hindi magandang kinalagyan ng mga nauna sa mga bar sa Wanchai. Saan pa hahantong ang mga kababayan nating iyon?
Kung ang paghadlang na ito ni Dela Torre sa maaaring kauuwian ng mga iluluwas ng Pilipinas na dancer ay itinuturing ni Bello na paglabag ng kanyang labor attaché sa mga alituntunin ng serbisyo ng DOLE, nasaan ang moralidad ng tanggapang iyon ng gobyerno?
May umaalingasaw sa desisyon ni Bello at hindi kapani-paniwalang si Pangulong Duterte ang nag-utos niyon. Tila higit na karapat-dapat kay Bello ang palakol.