Ni Ate Kulit
Isa sa mga nakakainis na kasong nasaksihan namin ay ang illegal recruitment noong mga nakalipas na taon. Hanggang ngayon ay hindi pa nabibigyan ang mga ito ng kaukulang aksyon ng pamahalaan ng Hong Kong.
Kaya hanggang ngayon, hindi pa rin naparurusahan ang mga nanlimas ng milyong dolyar sa mga OFW na ang tanging hangad ay makaahon sa kanilang kinalalagyan ngayon sa Hong Kong sa pamamagitan ng pagpunta sa iba’t ibang mauunlad bansa. Saan galing ang perang ito? Pansinin ang opisina ng mga pautangan. Marami sa nakapila doon ay para magbayad sa utang na napunta lang sa pagkakamaling ito.
May mga pagkakataong nakipagbangayan kami sa mga pulis na ayaw makialam sa mga kasong ganito dahil, sa tingin nila, ang mga nagrereklamo ay naghahabol lang na mabalik ang pera nila— at hindi trabaho ng pulis ang magsilbing kolektor.
Bakit hindi makita ng mga maykapangyarihan na ang mga ito ay kaso ng panloloko, kung hindi man mas malalang kaso ng human trafficking?
Ang dahilan ay masyadong bago ito sa pandinig ng Hong Kong. Kahit maraming gawain na ang ipinagbabawal sa Pilipinas, gaya ng illegal recruitment, hindi sila kilala sa Hong Kong.
Pero unti-unti, nakakarating ang mga hinaing ng OFW sa matataas na opisyal ng Pilipinas at Hong Kong. Namumulat na ang mga mata ng mga gumagawa ng patakaran sa Hong Kong na may ganitong mga krimen.
At ang unang sigwa ng pagbabago ay makikita natin sa paghihigpit sa mga employment agency sa Hong Kong.
Sa mga nakalipas na taon, hindi pinapansin ang panloloko ng mga ahensiyang hindi nakalista sa Labour Department. Ika nila, wala naman silang kapangyarihan sa mga ito dahil hindi nga rehistrado. Ngayon, ang operasyon ng mga ahensiyang hindi rehistrado ay ilegal na at pinaparusahan.
Noon ay banayad lang ang parusa sa sobrang paniningil sa kanilang aplikante. Kaya naman patuloy nila itong ginagawa dahil kikita pa rin sila kahit pagmultahin ng paulit-ulit.
Ngayon, hindi lang multa , na itinaas sa $250,000 mula $50,000, ang kakaharapin nila. May parusa na ring pagkakakulong.