Ang among babae, super arte daw. Laging wala sa ayos ang ginagawa. Kahit mayroon namang mesang kainan, sa coffee table kakain. Imbes sa kuwarto, sa sala matutulog. Tapos, kahit may study room naman sila, sa dining table gumagawa ng Chinese calligraphy. Maraming beses na natutulog sa hapon, at pagsapit ng alas diyes ng gabi, biglang gagawa ng cookies. Natural, si Becca ang kailangang matira sa kusina para magligpit.
Ang isa pang dagdag pasanin ay ang kanyang mga alaga. Dati, pakainin lang niya ang mga ito ay tapos na. Ngayon na mas malalaki na sila at may nobyo at nobya na ay nadagdagan ang kanyang trabaho. Laging kaladkad ng mga ito ang mga kasintahan sa bahay para kumain at tumambay. Tuloy, dumoble ang kanyang hugasin at linilinis.
Gustong gusto na ni Becca na bumigay dahil sa pagod pero nag-aaral pa ang dalawa niyang anak, at walang pirming trabaho ang kanyang asawa. Ang panganay niya ay may isa pang taon sa kolehiyo samantalang ang bunso ay dalawang taon at kalahati pa.
Minsan habang nagpapahinga si Becca sa kusina ay napansin ni amo na mukhang pagod na pagod ito at malalim ang iniisip. Kinausap siya nito at sinabing kaunting tiis na lang dahil nagpaplano na daw bumukod ang panganay nitong anak, at ganoon din ang bunso dahil pareho nang engaged at balak nang magpakasal.
Hindi na daw magtatagal at sila na lang mag-asawa ang kanyang pagsisilbihan. Sa sinabi nito ay naibsan ng kaunti ang hirap at pagod ni Becca, na 16 taon nang naglilingkod sa pamilya ng amo. – George Manalansan