Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Dapat hadlangan ang kutsabahang kontra-OFW

26 March 2018

Ni Vir B. Lumicao

Isipin kaya natin kung ano ang mangyayari sa mga OFW dito sa Hong Kong kapag muling naghari ang ilan sa Philippine Overseas Labor Office na dikit sa mga employment agency.

Malamang na darami ang mga manggagawang Pilipino na magdurusa dahil sa masamang alyansa ng mga mapagsamantala at ganid na mga ahensiya sa empleo.

Naiisip namin ang hindi magandang hinaharap ng mga OFW dahil sa tangkang pagpapatalsik sa pinuno ng POLO na kinatatakutan ng mga ahensiya at mga abusadong amo dahil sa kanyang tigas ng loob sa pagtatanggol sa mga manggagawang Pilipino.

Ang tinutukoy namin ay si Labor Attaché Jalilo dela Torre na pinupuntiryang siraan sa Philippine Overseas Employment Administration upang matanggal sa kanyang puwesto sa POLO Hong Kong.

Kapag nanaig ang mga kampon ng kabulukan ay luluha ang mga OFW at magpipista ang mga anay sa POLO na noong una pa man ay mga kaalyado na ng mga ahensiyang lokal.

Ito ay dahil sa madali silang palambutin ng mga regalo at iba pang mga hatag ang mga dati nang bulok. Alam iyan ng mga tusong ahensiya. At alam din nila sa habang naririyan si Labatt Jolly ay hindi sila makakaporma.

Sariwa pa sa isip namin ang mga pangyayari noong wala pa rito si Labatt Jolly, nang ang kultura ng korupsyon sa Maynila ay dinala rito ng isang pangkat na nasisilaw sa mga hatag na “biyaya” ng mga kaibigang ahensiya.

Namataan namin nang ang isa sa pangkat na iyon ay inabutan ng sobre ng isang sugo ng ahensiya at pasimple namang pinatungan ito ng dokumento ng tumanggap.

Natatandaan naming na noong mga panahong iyon ay tila mga hari at reynang pumapasok sa POLO ang mga may-ari ng ahensiya at regular na nakikipagpulong sa mga opisyal nang nakasara ang pinto upang talakayin diumano ang mga isyung pang-OFW.

Nagtaka kami dahil kabilang sa pangkat na iyon ng mga ahensiya ang ilan sa mga madalas ireklamo ng mga OFW dahil sa paniningil sa kanila nang labis sa 10% ng unang buwanang sahod alinsunod sa batas ng Hong Kong.

Kabilang din ang ilang isinusumbong ng mga manggagawa na nagdadala sa kanila sa pautangan upang papirmahin sa pag-utang ng malaking halaga ngunit pagkatapos ay kukunin ng ahensiya ang salapi.

Noong panahong nangyayari ang mga ganoong katiwalian ay tila higit na pinuproteksyunan ng POLO ang mga nagkasalang ahensiya. Isang halimbawa: kapag tinanong mo ang kaalyadong opisyal kung ano ang pangalan ng isang nagkasalang ahensiya ay ayaw ibigay ng nasabing tao para diumano sa proteksiyon ng nasasangkot.

At madalas ding kapag may reklamo sa isang ahensiya rito ay agad “iniindorso” sa POEA nang walang nakikitang agarang aksiyon laban sa lumabag na ahensiya.

Kapag nasa Maynila na ang kaso ay saka tatawagin ng POEA ang mga nagreklamo kahit batid nilang hindi basta-basta nakakaalis ang mga iyon. Ang resulta: talo ang OFW.

Wala silang kinatatakutan noon. Nakakapag-party sila. Hayagan ang magandang relasyon ng mga ahensiya at ang mga kaalyado nila sa POLO.

Pagmasdan ninyo ang pahina sa Facebook ng mga namayagpag na ahensiya at makikita ninyo na hanggang sa Pilipinas ay dumarayo sila upang dalawin ang mga dati nang kaibigan nila sa POEA at POLO.

Malaswa ang pagkakaibigang iyon ng mga ahensiya sa mga opisyal ng isang tanggapan ng gobyerno na may misyong ipagtanggol ang manggagawang Pilipino sa ibayong-dagat.

Nakita namin ang malaking pagbabago nang dumating si Labatt Jolly. Nahinto ang pamamayagpag sa POLO ng mga nasabing ahensiya. Ngunit kamakailan ay muling nabuhayan ang mga tiwaling tauhan na dapat sana ay malaon nang pinabalik sa Maynila.

At ayon sa mga balitang nakakarating sa amin, nag-umpiang muli ang pagdating ng mga regalo sa mga elementong iyon, ang pagkakaiba nga lang ngayon ay sa mga bahay na inihahatid o iniaabot sa opisina nang paiwas sa mga CCTV camera sa POLO. 

Hindi natin dapat palampasin ang ganitong mga bulok na gawaing sa bandang huli ay makasasama sa kapakanan ng mga manggagawa. Magmasid tayo, ilantad ang katiwalian at ipagtanggol natin ang taong tunay na nagmamalasakit sa mga OFW. 

Don't Miss