Siya lang ang tumagal ng dalawang kontrata sa 14 na naging katulong ng among Indian dahil sa kasungitan ng asawa nito.
Maraming dinanas na pasakit si Arlene sa among demonyita. Minsan, nang hindi masunod ang iniutos nito sa kanya ay maghapon siyang hindi pinakain. Ilang beses na din siyang pinalayas, at pinagtatapon ang mga gamit niya sa labas ng pinto.
Napakiusapan lang siya ng among lalaki ang mga anak nito kaya hindi siya umalis.
Ngunit may sukdulan din ang kanyang pagtitiis. Sa ikalimang taon ay tinotohanan niya ang pag-alis, kahit kinailangang umuwi muna siya dahil sa pag-break niya ng kanyang kontrata.
Isang buwan pa lang siyang nakakabalik at naninilbihang muli nang tawagan siya ng dating amo, at hinimok na bumalik sa kanila. Nangako ito na sila na ng kanyang mga anak ang kakastigo sa salbaheng asawa.
Dala sa pangangailangan ay kinausap ni Arlene ang bagong amo at sinabi dito ang alok sa kanya na malaking suweldo. Ayon sa bagong amo, wala itong magagawa kundi pakawalan siya dahil hindi nito kayang tapatan ang alok na suweldo.
Nang iparating niya ang ang pagsang-ayon sa alok ng among Indian ay agad siyang sinundo nito sakay ng kotse, at binayaran ang isang buwang suweldo kapalit ng pasabi sa iniwanang amo. Agad ding inasikaso ang muli niyang pagpirma ng kontrata sa kanila.
Ngayon, ayon kay Arlene ay hitsurang bruha pa rin ang kanyang among babae ngunit bawal nang magsungit dahil ang asawa at mga anak na niya ang makakalaban. Tuwang tuwa naman ni Arlene dahil wala nang kontrabida sa buhay niya, malaki pa ng di hamak sa dati ang suweldo niya. – George Manalansan