Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Mga OFW, tumulong para maitala ang bagong record sa tuloy-tuloy na CPR

08 February 2018

Mahigit 600 na OFW ang tumulong para maitala ang bagong rekord sa marathon CPR


Ni George Manalansan

Kabilang ang humigit-kumulang 600 Pilipinong manggagawa sa mga tumulong para makapagtala ng pinakamaraming bilang ng nagsanay ng cardio-pulmonary resuscitation (CPR) sa tuloy-tuloy na sesyon noong Peb. 3-4 sa Fire and Ambulance Services Academy sa Tseung Kwan-O.

Ang kabuuang bilang na 3,027 ay pumasok sa Guinness World Records para sa kategorya ng paramihan sa pagsasagawa ng tuloy-tuloy na CPR. Ang dating record na 2,619 ay naitala ng India noong 2016.

Bilang paghahanda, ang mga migranteng Pilipino ay binigyan ng pagsasanay sa compression only cardio pulmonary resuscitation (COCPR, isang mas simpleng paraan ng CPR) noong Enero 7, 14 at 28 sa HK University sa Pokfulam.

Sinamahan nila sa CPR Marathon 2018 ang mahigit 2,500 katao, na binubuo ng mga guro at estudyante sa ilang paaralan sa Hong Kong. 
Kabilang sa mga nag-organisa si Dr. Mike Manio ng HKU

Bukod sa pagsali para makapagtala ng bagong record, layunin din ng mga nagbigay ng pagsasanay na maparami ang bilang ng mga tao sa Hong Kong na maaring makapagbigay ng first aid at mapataas ang tsansang mabuhay ng mga biglang kinakapos ng hininga o nawawalan ng malay.

Sa araw ng marathon, may libreng sakay sa mga kasali mula sa Tiu Keng Leng MTR. Pagdating sa lugar na pagdarauan ay isa-isang nirehistro ang mga kasali at binigyan ng numero at pulseras na may barcode. Nagkaroon muli ng pagsasanay bago sumabak sa marathon. Sa dami ng mga kalahok ay kinailangang umupo muna at maghintay.

Sa tulong ng mga ambulance men at CPR marathon helper ay naging maayos ang daloy ng pila para sa panghuling hakbang na isinagawa sa loob ng auditorium.

Isa si Jim Cheung sa mga CPR helper na nagpalakas ng loob sa mga kasali, at nagsabing gamitin lang nila ang natutunan sa mga pagsasanay at sa praktis para makaraos.

“Have your power to push, compress continuously without a gap,” ang bilin niya. “Remove your watch, necklace, jackets or anything that may obstruct you, If you stop for 5 seconds you failed….the next trainee will come in and prepare to change after the count,  5, 4, 3, 2, 1. If you pass, you will become a certified CPR first aider.”

Isa sa mga kalahok si Jennete Ladiero, na halatang malungkot. Naalala kasi niya nang minsang magbakasyon siya ay biglang tumumba sa harap niya mismo ang ama, at namatay. Wala daw siyang nagawa dahil wala pa siyang alam sa paglalapat ng first aid. “Siguro kung may alam na ako noon, baka buhay pa siya ngayon,” ang sabi niyang may panghihinayang.

Bago lumabas ng auditorium ang mga kasali ay binigya sila isa-isa ng tiket para sa museo ng mga bumbero na nasa parehong gusali. Dito ay makikita ang mga lumang gamit sa pag-apula ng apoy, isang talaan ng mga sunog sa loob ng nakaraang tatlong dekada, mga first aid kid, at ang nilalaman ng isang ambulansiya.

Don't Miss