Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Ganito kami noon: Valentine’s Day memoir

14 February 2018


Ni Merly T. Bunda


Noong mga ‘90s ang libangan ng maraming mga Pinoy na nasa abroad, lalo na dito sa Hong Kong, ay makipagsulatan. Marami sa mga OFW ang idinaan sa pakikipagkilala sa panulat ang mga problema o lungkot na nararanasan sa pagtatrabaho sa ibang bayan. Karamihan ng kanilang mga natatagpuang mga ka-penpal ay nasa Saudi Arabia, kung saan maraming mga Pilipino ang napadpad noong mga panahong iyon sa paghahangad na mapaunlad ang buhay ng kanilang pamilya. May ilan na ang habol ay pakikipagkaibigan lang, o ang paghahanap ng makakapalitan ng kuwento tungkol sa buhay-buhay, pero mas marami ang mga naghahanap ng magiging kapareha sa buhay. Karamihan ay mga dalaga at binata na napilitang mangibang bayan sa murang edad para makatulong sa pamilya, nguni’t mayroon ding hiwalay sa asawa, o yung hindi makuntento sa isang kapareha.

Noong mga panahong iyon ay mabentang-mabenta ang mga stationery, ballpen, papel, envelope at selyo. Para sa mga nagliligawan, kailangan ay yung maganda ang klase ng papel, at kung maari ay mabango pa. Minsan, may mga gumigimik pa na hinihingi muli ang kanilang stamp na ginamit para mapilitan ang ka-penpal na sulatan silang muli.

Isa ako sa mga mahilig sa pagbibili ng mga stationery na ito noong mga panahong iyon dahil marami akong mga ka-penpal. Mayroon sa Saudi Arabia, sa Italy, Canada, at sa iba’t iba pang lugar. Gayunman, wala ni isa akong nakatuluyan dahil iyon siguro ang nakatadhana sa akin. Kaya lang, hindi ko mapigilang mapaisip kung binibiro ako ng Pilipina na dati kong binibilhan ng mga stationery ng, “Ineng, sa ilang dosenang stationery na binili mo noon, wala kang nakatuluyan?”

Simple lang ang paraan ng paghahanap ng mga ka-penpal noon. Bibili ka ng mga pahayagan para sa mga Pilpino at hahanapin yung pen-pal section. Marami ang nagpapadala doon ng kanilang mga litrato, pangalan at address para mailathala. Marami ang gumagamit ng ibang pangalan para hindi masyadong buking, lalo yung mga desperado, o yung mga may sabit na. Pati litrato ay hindi malinaw para hindi makilala. Gayunpaman, kailangan ay yung best shot mo ang ipapadala mo para marami ang sumulat sa iyo.

Sa ganitong estilo, marami ang nagogoyo. Mayroon akong kakilala na masyadong nabighani sa kuha ng lalaking naka shades na nakita niya sa dyaryo. Pagkatapos ng ilang palitan ng sulat, nalaman niya na kaya ito laging nakasalamin ay dahil sa duling ito.

Ganito rin ang kaso ni Carla, isang Ilongga na may kaitiman at kulot ang buhok na mga Amerikano ang gustong makasulatan. May isa siyang ka penpal na naging masugid sa pagpapadala ng sulat sa kanya hanggang maging sila. Pagkatapos ng ilang buwan, naisipan ng lalaki na bisitahin siya sa Hong Kong para pag-usapan na ang kanilang kasal. Excited si Carla na pumunta sa hotel ng lalaki para makipagkita, pero biglang tikom ang bibig pagbalik sa bahay ng amo. Hindi na niya muling binanggit ang nobyo sa sulat pagkatapos. Ang hinala ng kanyang mga kaibigan ay tinabangan ang lalaki nang makita ang tunay niyang anyo.

Sa aking personal na karanasan, masaya ang magkaroon ng maraming kaibigan sa panulat, babae man o lalaki, bata o may edad na. Naranasan kong makatanggap ng 24 sulat mula sa iba’t ibang bansa sa isang araw lang. Ganoon na lang ang tuwa ko. Minsan ay may “voice tape” (voice recording sa cassette tape) pa o mga larawan na kalakip.

Tuwang  tuwa  ako sa halos araw-araw  na pag-aabang sa  mga sulat. Mas lalo akong nagiging interesado kung maganda ang sulat-kamay ng sumusulat sa akin.

Kami ng ate kong si Neneng na dalaga din noon ay parehong mahilig sa pakikipagsulatan. Nakaka-tuwaan namin na palitan ang aming mga pangalan kapag ipinapadala namin ang aming mga litrato at address para mailathala sa pahayagan. Hindi namin alam, may mga lalaki na ganoon din ang estilo. Minsan kasi ay nagkapalit ang sulat namin ng aking ate, na mula sa iisang lalaki na nanliligaw pareho sa amin. Hindi niya alam na magkapatid kami.

Minsan ay may sinusuwerte dahil nahahantong sa kasalan ang kanilang pagsusulatan, katulad ng kaibigan naming si Nena. Pagkatapos nilang magkita dito sa Hong Kong ng kanyang ka-pen pal ay umuwi sila sa Pilipinas para magpakasal. Sa kasamaang palad ay umabot lang ng walong taon ang kanilang pagsasama.

Sa tinagal-tagal ng pagkahilig ko sa pakikipagsulatan ay marami na akong naging kakilala mula sa iba’t ibang lugar at propesyon. May inhenyero, arkitekto, pintor, seaman, karpintero at construction worker na pawang mga Pilipino. May isa ding Amerikano na nasa US Navy. Nakipagkita siya sa akin nang minsang dumaong sa Hong Kong ang kanyang barko pero bigla akong tinabangan nang makita ko ang matulis niyang sapatos. Pati kasi suklay niya ay matulis!

Isa sa mga masugid na nanligaw sa pamamagitan ng sulat ay si Henry na seaman din at  nasa Italy. Inalok niya ako ng kasal pero tumanggi ako dahil bata pa ako noon. Noong 1994 ay bigla siyang tumigil ng pagsulat sa akin, yun pala ay ikinasal sa babaeng mas matanda sa kanya. Nang muli siyang sumakay sa barko pagkatapos ng 22 taon ay hinanap niya ako sa Facebook at nangumusta. Pinikot lang daw siya ng asawa niya na 62 taong gulang. Pero sinabi kong sadyang hindi kami para sa isa’t isa kaya magkaibigan na lang kami ngayon.

May isa pa akong ka penpal sa Saudi na engineer na biyudo at may tatlong maliliit na anak. Nanligaw din siya, pero ayaw ng ate ko. Sabi niya, kaya ko daw bang maging “instant nanay” ng tatlong bata? Nabalitaan ko na lang na nag-asawa na siyang muli at may sariling construction business ngayon sa Bohol.

Katulad ko ang kaibigan kong si Jessica na Ilongga din. Wiling wili siya noon sa pakikipag penpal dahil ganado daw siya lagi sa trabaho kapag nakakatanggap ng balita mula sa mga kaibigan sa panulat. Ang paghihintay sa kartero araw-araw ang pinaka libangan niya. Pero pagkatapos ng apat na taon niyang pakikipagsulatan ay wala pa rin siyang natagpuang “forever”. Sabi niya, kung talagang para sa iyo magtatagpo kayo, sa anumang paraan.

Nang mauso ang  cell phone ay medyo bumilis ang paki-kipagkaibigan. Naging “text mate” na ang dating ka penpal. Sa umpisa ay kukunin ang cell phone number mo mula sa isang kaibigan, tapos ay ite-text ka o tatawagan, na mauuwi sa bolahan, o pagkakaigihan.

Ganito ang nangyari kay Zeny na Ilongga at nagtatrabaho din sa Hong Kong. May isa siyang kaibigan na taga Pangasinan na nireto ang kapatid nitong binata sa kanya. Pagkatapos makuha ng binata ang numero ni Zeny ay nag-umpisa na silang magpalitan ng text messages na nauwi sa ligawan sa telepono. Matapos ang isang taon na pagpapalitan ng mensahe ay umuwi si Zeny para magbakasyon at sinundo siya sa airport ng kanyang textmate. Mula sa Maynila ay sumama na ang binata sa kanilang lugar sa Iloilo para hingin ang kamay niya sa kanyang pamilya. Mahigit 15 na taon na silang kasal ngayon, at may isang anak na lalaki.

Sa ngayon, Facebook na ang ginagamit ng  marami para  bmakahanap ng kakaibiganin, o liligawan. Mayroon din na nagkakaroon ng panibagong pagkakataon na makitang muli ang mga dating sinisinta.

Ganito ang nangyari kay Claire, 39 taong gulang at taga Maynila. Naputol ang komunikasyon nila ng kanyang “first love” na si Albert, 44 taong gulang, nang lumipat siya ng tirahan para mapalapit sa kolehiyong kanyang pinapasukan. Kamakailan ay naisipan siyang hanapin sa Facebook ni Albert na isang marino at binata pa rin, at muli ay nagkrus ang kanilang landas. Ngayon ay pinapatigil na siya ni Albert sa kanyang pagtatrabaho sa Hong Kong para makapagpakasal na sila at manirahang muli sa Pilipinas.

Sa sulat man, o text, o Facebook, maaring makatagpo ang taong magbibigay kulay sa iyong mundo. Walang garantiya na magtatapos ito sa “happy ever after” o “forever,” pero nakakatuwa pa ring isipin na sa pamamagitan ng mga ito ay naisipan mong buksan ang iyong puso.

Happy  Valentine’s Day to all.---

----

Para maiba naman, tampok sa isyung ito sa buwan ng mga puso ang mga alaala ng isang  beteranang OFW dito sa Hong Kong na kilala din sa pagtulong sa mga kapwa OFW at pagbabalita sa Bombo Radyo at The SUN, si Merly T. Bunda. Sa tinagal-tagal niya sa Hong Kong, naranasan ni Merly, isang Ilongga, ang maraming pagbabago, hindi lang sa mga patakaran na may kinalaman sa mga migranteng manggagawa, kundi pati ang pagdating ng makabagong teknolohiya. Kung dati ay inaabot ng ilang araw o linggo bago dumating ang sulat mula sa Pilipinas, o nauubos ang pera sa pagtawag sa isang minamahal na nasa malayo, ngayon ay madali na, at halos libre, ang makibalita. Sa isang pindot lang sa telepono o tablet ay hindi lang nakakausap, kundi nakikita pa ang kausap. Hindi na uso ang maghintay ng matagal para makatanggap ng sulat mula sa isang minamahal, o marinig ang kanyang magiliw na tinig. Sa kabila nito, isa si Merly sa naniniwala na may tamis pa ring kaakibat ang dating paraan ng pakikipag-ugnayan o pakikipagligawan. Sabi nga, kakaiba ang tamis ng bungang pinaghirapan. – Ed
Don't Miss