Ngayong winter ay sinipon ang pusa, at gayon na lang daw ang pag-aalala ng amo, samantalang si Stella ay sinisipon at inuubo pa, pero balewala lang dito.
Halatang mas pinapahalagahan daw ng amo ang hayop dahil kapag humatsing ito ng sunod-sunod ay agad nang itinatakbo sa beterinaryo. Si Stella hanggang ngayon ay nagkakasya na lang sa paggagamot sa sarili.
Pati sa pagkain ay tipid na tipid siya, samantalang ang pusa ay sagana. Madalas daw siyang simangutan ng amo kapag nakikita sa listahan ang mga pagkaing binibili niya para sa sarili kapag hindi na katanggap-tanggap kainin ang mga tira nila.
Sa ngayon ay naghahanda na si Stella na humanap ng bagong amo dahil wala daw siyang nasisilayan na magandang kinabukasan sa kasalukuyang pinagsisilbihan. Makatao naman daw yung mga naunang amo niya, hindi niya alam kung bakit napadpad siya ngayon sa isang walang kapaki-pakialam sa kanya.
Mabuti na lang at nakakagiliw naman daw ang pusa. “Sa totoo lang mga ate, kuya, ang amo ko ang nagpapataas ng stress level ko, si Kulaping ang nagpapababa”, kuwento niya. – George Manalansan