Ayon kay Lito, habang sakay ng kotse ang amo niyang doktor papunta sa klinika nito sa Tsim Sha Tsui ay nag whatsapp ang anak nitong dalaga, at tinanong kung pwede siyang ihatid ng drayber sa kanyang pupuntahan.
Sinagot ito ng amo at sinabing makakabalik si Lito pagkalipas ng kalahating oras. Sumagot ang dalaga, at sinabing magta-taxi na lang siya. Pero nang pabalik na si Lito ay tumawag ang dalaga dahil hindi pa pala nakakaalis.
Sinabi ni Lito na natrapik siya, at hindi niya alam kung gaano pa katagal bago siya makabalik. Nang malapit na siya sa bahay ng amo ay nakasalubong niya si Ann na papunta ng palengke. Tinanong niya dito kung nasaan na yung alaga nilang dalaga at sinabi nito na nakaalis na, “kanina pa.”
Dahil dito ay nagmagandang loob si Lito na ihatid na sa palengke si Ann.
Nang makaalis na sila ay muling tumawag ang dalaga dahil hindi pala ito makasakay, at nasa may labasan lang, sa hintayan ng bus. Nagalit ito dahil inuna pa raw ang paghahatid sa kasambahay sa palengke, at nagsumbong sa ama. Nailing na lang si Lito sa nangyari.
Pagkababa sa palengke ni Ann ay naihatid din niya ang dalaga, at nagpasalamat naman ito.
Sabi ni Lito, ganito lang talaga ang buhay ng isang drayber. Paminsan nagkaka-aberya din sa mga lakad, lalo at hindi lang iisa ang pinagmamaneho. – George Manalansan