Ang yumao |
Ni Marites Palma
Namatay ang isang Pilipinang kasambahay dalawang oras
pagkatapos makita ng amo na nakahandusay sa banyo noong ika-9 ng Enero.
Binawian ng buhay si Erlinda Diego Cabulong, 45 taong gulang,
bandang 8:15 ng umaga, pagkatapos itakbo ng amo sa Tuen Mun Hospital . Hindi agad malaman ang sanhi
ng kanyang pagkamatay.
Naulila ni Diego ang kanyang asawa at dalawang anak na
lalaki, na 25 at 23 taong gulang.
Kasalukuyang nakalagak ang kanyang mga labi sa Kwai Chung Public
mortuary at hindi pa alam kung kailan ito maiuuwi sa kanilang bahay sa Purok 4,
Villa Santiago, Aglipay, Quirino.
Ayon sa kanyang kapatid na si Mercedes Jasmin Diego, wala pang
resulta ang isinagawang pagsusuri para malaman ang sanhi ng pagkamatay ng
kanyang nakababatang kapatid. Sa pagkakaalam niya ay wala naman itong sakit na
hypertension.
Ang magkapatid na Mercedes at Erlinda |
Marami kasi ang may sapantaha na inatake ito sa puso, o na-stroke.
“Napakasakit ang biglaan niyang pagkawala, wala man siyang
senyales na mawawala na siya dahil nakagroup chat at nakavideo call pa ang mga
anak noong gabi bago siya mamatay, kaya di namin matanggap na wala na
siya" sambit ni Diego.
Ayon pa sa kanya aakuin ng amo ang gagastusin para sa
pag-uwi ng mga labi ni Cabulong ngunit hanggang Manila lamang. Ang pamilya na
nila ang sasagot sa pagpapauwi dito hanggang Quirino.
Ang amo na si Josephine Ngan ang unang nagbalita na nakitang
walang malay si Cabulong sa loob ng banyo ng kanilang bahay sa Tuen Mun. Nanawagan ito sa pamamagitan ng Facebook na tawagan siya ng kapatid ng kasambahay
agad-agad. Naka-lock daw kasi ang telepono ng yumao kaya hindi nila alam kung
sino ang tatawagan.
Si Cabulong ay 15 taon nang naninilbihan sa Hong Kong , bagamat magdadalawang taon pa lang sa
paninilbihan kay Ngan sa darating na Agosto.
Huli siyang umuwi sa Pilipinas noong Abril ng nakalipas na
taon.
Si Cabulong ay bunso sa anim na magkakapatid.