May pinapakuluan pa naman siyang sopas noon, kaya takot na takot siya dahil kapag hindi siya nakalabas agad ay maaring masunog ang bahay, kasama siya. Sinubukan niyang dumungaw sa bintana ng kubeta at inisip na doon na lang siya dadaan palabas, ngunit lubhang delikado dahil walang makapitan, at sobrang taas ng kanyang babagsakan kung sakali dahil nas ika-15 palapag sila.
Pabilis nang pabilis ang pintig ng kanyang puso sa takot.
Saglit siyang umupo para mag-isip bago ginalugad ang kubeta para humanap ng pwedeng gamitin para madistrongka ang pinto, ngunit wala siyang makita ng kahit ano.
Mabuti na lang at dala-dala niya ang kanyang telepono. Agad niyang tinawagan si May na katulong ng nanay ng kanyang amo at sumagot naman ito pero hindi sila magkaintindihan dahil paputol-putol ang koneksyon.
Naisipan niyang i-text na lang at ipaabot sa FB messenger ang kanyang mensahe, at mabuti naman at nakaabot. Agad namang nag taxi si May na swerteng hindi kalayuan ang bahay, at may susi ang lola sa bahay ng anak.
Eksakto lang ang dating nito sa bahay nina Mando dahil natuyuan na ng tubig ang sopas. Sinubukan nitong buksan ang pintuan ng kubeta gamit ang susi, pero hindi na umubra dahil naputol na ang kalahating parte ng kandado sa loob.
Inabot pa ng ilang minuto bago nagawan ng paraan ni Mando na sirain ang kandado gamit ang isang maliit na distilyador na inabot ni May dahil hindi magkasya ang naunang ibang mga gamit sa siwang sa ilalim ng pinto.
Pagkalabas sa kubeta ay nagpasalamat si Mando kay May, sabay inom ng tubig. “Akala ko ay katapusan ko na,” ang sabi niya. – George Manalansan