Isang hapon, wala sa isip na isinara ni Rowena ang pintuan ng kanyang kwarto at nag-lock ito sa loob. Walang susi si Rowena kaya ganoon na lang ang pagkabahala niya. Agad niyang sinubukan na buksan ito gamit ang iba’t ibang bagay at nag-post pa sa Facebook para humingi ng tulong sa mga kaibigan, ngunit umabot ang gabi nang hindi nya ito nagawang buksan.
Pagdating ng mga amo ay agad niyang sinabi ang problema. Hindi niya akalain na ang gagawin ng kanyang among lalaki ay ang akyatin ang ventilation window papunta sa kanyang kuwarto para mabuksan ang pinto sa loob.
Pilit pinagkasya ng amo ang katawan sa maliit na bintana para makapasok sa kanyang kuwarto.
Malikabok at madumi ang loob ng butas at takot na takot na naiiyak si Rowena sa pag-aalala at baka anong mangyari sa amo, pero hindi naman niya sukat akalain na gagawin ng amo ang ganoon. Kasama niyang nakaabang at nag-aalala ang among babae at mga anak nito.
Ngunit pagkaraan lang ng ilang minuto ay nakangiting lumabas ang amo mula sa kanyang kuwarto, sabay sabi na sa susunod ay huwag na niyang ila-lock ulit ang pinto.
Nahihiyang nagpasalamat si Rowena sa matapang at maalalahaning amo. Si Rowena ay tubong Iloilo, 28 taong gulang at tatlong taon nang nagtatrabaho sa mga among taga Tung Chung. - Rodelia Villar