(Ito ay pagpapatuloy ng artikulo si Nelle, 33 taong gulang at isang dating OFW sa Hong Kong, na naengganyong lumipat sa Russia apat na taon na ang nakakaraan. Sa hinaba-haba ng pagtira niya doon ay nananatiling ilegal ang status ni Nelle dahil ayon na rin sa kanya, walang visa para sa mga domestic worker doon. Babala niya: huwag nang mag-ambisyon pa na magpunta sa Russia dahil walang proteksyon ang mga OFW doon, at walang katiyakan ang trabaho. Masyado pang malayo sa Pilipinas kaya mahirap umuwi, at may mga buwitre sa airport sa Pilipinas na naghihintay para sila kotongan. Si Nelle ay may dalawang anak at nagtapos ng kolehiyo sa Cebu. Balak niya na magtrabaho ng ilan pang taon sa Russia, mag-ipon, bago bumalik sa kanyang naghihintay na pamilya sa Pilipinas.-Ed)
Patuloy pa rin ang pakikipag-usap ng mga taga Embassy sa mga opisyal ng Russia para magkaroon na ng kasunduan upang mapaayos ang lagay ng mga OFW dito. Iminungkahi nila na ipatupad ang isa sa dalawang bagay: Una, baguhin ng Russia ang batas nila na nagtatakda na mga citizen lang ng CIS members ang maaaring maging domestic workers, o pangalawa, bigyan ang mga OFW ng pagkakataon na makapagtrabaho ng legal.
Bilang tugon, nagbigay daw ang gobyerno ng Russia ng dalawang kundisyon. Una, dapat matigil na ang ilegal na Pilipino sa kanilang bansa. Pangalawa, maglabas ang Embahada ng sample na visa na ginagamit ng mga Pilipino na hirap naman daw nilang tuparin dahil maraming mga OFW ang mapapahamak nang dahil ditto.
Bakit? Halimbawa, ibinigay ng Embahada ang kopya ng visa ko sa kanila. Yung visa ko ay nakuha ko naman kay Maria. Ngayon nang tingnan ng mga awtoridad dito ang visa ko ay nakita nila na kay Maria ko kinuha. Mula dito ay makikita nila na may iba pang visa na na-issue itong si Maria sa iba pang Pilipina. Ibig sabihin, damay na lahat ang nabigyan ng visa ni Maria, at makukumpiska lang ang visa na hawak ng iba.
May problema din sa pabago-bagong batas ng Russia kaya kahit si Ambassador King Sorreta na isang abugado ay nagsabing hindi niya maintindihan ang batas nila. Dahil dito ay ingat na ingat daw sila sa bawat aksyon nila upang masigurado lagi ang kapakanan ng mga OFW.
Ang isa pa sa problema ngayon ng mga OFW dito ay aberya na nangyayari kapag umuwi sila sa Pilipinas para magbakasyon. May mga kaso na na o offload sila sa airport sa Pilipinas at kinakailangan pa nilang magbayad ng Php80,000 para sa tinatawag na “escort service” upang makaalis pabalik sa Russia.
Sa dami ng mga gustong magtrabaho dito ay hindi lang mula sa Pilipinas o sa Hong Kong nanggagaling ang mga dumarating dito. Kapag hindi sila nabigyan ng visa sa Pilipinas o sa Hong Kong ay dumadayo sila sa Thailand at Malaysia, kung saan may mga kontak na ang mga recruiter. Maari silang tumira sa mga bansa na ito habang naghihintay ng kanilang visa.
Ang mas masaklap lang, may mga agent or recruiter na katulad ni Meer Jon Meer at ang kanyang live-in partner na Pinay na hindi maayos ang pagtrato sa mga niyayakag nila mula sa Hong Kong. Liban sa malaking singil nila ay wala pang trabaho na nadadatnan dito ang mga na recruit nila. May isa pa na nakapagtrabaho nga pero hindi pinahawak ng suweldo dahil inobliga nila na magbayad ng USD500 buwan-buwan.
Sa kabila ng lumalalang problema ng mga OFW dito marami pa ring Pilipino ang patuloy na umaasa na makarating dito. Ayon sa balita, maraming aplikante sa Pilipinas ang nakapagbayad na sa mga agent na kapwa Pinoy din dito sa Russia, pero hindi pa rin napapadalhan ng “invitation” na siyang gagamitin nila para makapag apply ng visa.
Ang mga agent na Pinoy na ito ay nang-iimbita ng mga aplikante, at pagkatapos ay pinapasok nila sa agency dito yung mga papeles. Kung ang singil ng agency ay USD1,300 bawat invitation ay pepresyuhan naman nila ng USD1,5000 sa aplikante, kaya may tubo agad silang USD200. Yung iba ay gagawing USD2,000 kasama na daw yung sundo sa airport, bahay at pagbigay ng trabaho. Ang kaso, kapag walang bigayan ng invitation ay nagagastos ng Pinoy na agent yung pera, kaya yung iba hindi na mahagilap ng mga aplikante.
Mayroon din namang napapunta nga dito, pero pagdating ay pinabayaan na. Walang trabaho, may utang na naiwan sa Pilipinas o Hong Kong, at mas masaklap, patapos na yung visa.
May isa pang kaso na pinangakuan daw na makalipat sa Western Europe, pero hanggang tatlong buwan lang ang visa pagdating dito. E kailangang tumigil ka sa Russia ng hindi kukulangin sa anim na buwan bago ka mabigyan ng Schengen visa. Ang nangyari, naubos ang kanyang visa, walang trabaho, walang pera, at pinabayaan na ng agent.
Patong-patong ang problemang kinakaharap ng mga OFW na nandito, kaya sana ay matigil na ang pagpunta ng mga Pilipino dito dahil dadagdag lang sila sa mga walang trabaho at walang papeles, bukod pa sa talaga namang walang visa category para sa household service workers dito. Hindi legal ang pagtatrabaho dito bilang kasambahay, hindi katulad ng sa Hong Kong o sa Singapore.
Sana din, matigil na yung tinatawag na “escort service” sa airport kung saan kasabwat ang ilang corrupt na opisyal sa immigration. Kunwari ay pinipigilan nila ang pagbalik ng isang Pilipino sa Russia dahil diumano sa suspetsa na biktima sila ng human trafficking, yun pala ay gusto lang nilang perahan ang pobreng OFW.
Panghuli, sana ay matulungan kami ng ating Pangulo na ma-legalize kaming mga OFW dito at magkaroon ng akmang visa para sa mga trabaho namin para maibsan ang mga problemang matagal na naming dinadala.