Malaki ang bagong bahay, na hindi kukulangin sa 2,000 square feet ang kabuuang sukat.
Noong gabi ng Okt 20 ay halos hatinggabi na silang kumain ng kasama dahil nagkasundo sila na tapusin na ang lahat ng trabaho. Sa sobrang pagod ay agad siyang nakatulog.
Pagdating ng madaling araw ay bigla siyang sinumpong ng sakit ng paa, na para bang tinutusok ng mga karayom ang kanyang talampakan. Masakit ang mga joints niya at nilalagnat din siya.
Alalang alala na ang kanyang kasama at sinabing tatawagan ang kanilang amo, ngunit pinigil ni Jinky na ang sabi ay malapit na ding mag alas sais ng umaga. Gayunpaman, ipinaalam ng kanyang kasama sa kanilang mga amo ang kanyang kalagayan, at agad naman siyang dinala sa Prince Of Wales Hospital sa Shaitin.
Hindi maalis-alis ang kanyang lagnat, at sobrang sakit ng kanyang mga joints. Ang mga daliri niya ay nagkulay ube at may lumabas na mga rashes sa mukha niya. Pagkatapos ng ilang pagsusuri ay sinabi ng doktor na may lupus si Jinky.
Ang maganda lang, sabi ng doktor, ay hindi naapektuhan ang kanyang kidney. Nakitaan din siya ng spot sa lungs kaya pala hirap siyang huminga. Pero pagkaraan ng ilang araw ay medyo mahaba na yong nalalakad niya, sa tulong ng nurse. Mabuti na lang at sinabi ng amo niya na magpagaling siya at huwag alalahanin ang gastos. Tuloy pa din daw ang trabaho niya kapag nakalabas siya sa ospital.
Dinadalangin ni Jinky na sana ay tuloy-tuloy na ang kanyang paggaling. Ang inaalala na lang niya ay ang kanyang utang na iniwan sa Iloilo para ipambayad sa kanyang placement fee dahil naniningil na ang nagpautang.
Galing siya ng Singapore kung saan nagtrabaho siya ng apat na taon at kalahati, bago nagdesisyong bumalik sa Iloilo. Nagpahinga muna siya ng limang buwan bago pumunta dito sa Hong Kong. Doon sa Singapore, sabi niya, sigurado siyang wala siyang sakit dahil tuwing anim na buwan ay may medical check up sila.
Si Jinky ay may asawa at dalawang anak na edad walo at pitong taong gulang. – Merly Bunda