Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Kawawa si lola

15 January 2018

Awang awa si Mar, 45 at driver, kay Lola na nanay ng amo. Pagkagising pa lang nito sa umaga ay lumalakad na ito at kung saan-saan napapadpad. Kapag gusto nang umuwi ni Lola ay tatawag ito kay Mar at magpapasundo sa iba-ibang lugar sa Kowloon at New Territories.

Madalas ay sa Shatin na di kalayuan sa kanila, pero kapag nayaya ng mga kaibigan ay nakakarating ito sa Tsim Sha Tsui, Yau Matei at Mong Kok.

Sabi ni Mar mahirap nang kausap si Lola dahil mahina na ang pandinig, kaya madalas ang sagot na lang niya dito kapag tumawag ay “Tak o” o OK kapag libre siya. Kung hindi naman siya makakasundo ang sagot niya ay “M tak”.

Sa mga ganitong pagkakataon ay natatagalan ang uwi ni Lola, pero $2 lang ang pamasahe kahit saan ito galing. May mga pagkakataon daw na mali ang lugar na sinabi ng matanda kaya hirap niyang makita. Kailangang suyurin pa ni Mar ang malalapit na kalsada bago niya matagpuan si Lola na naglalakad sa maling direksyon.

Madalas daw nitong sabihin na walang panahon ang pamilya sa kanya, kaya kahit barok ang Cantonese si Mar ay pilit niya itong iniintindi. May mga pagkakataon daw na sinasabi ng matanda na gusto na nitong mamatay dahil pagod na, at dumaraing na maraming nararamdamang sakit. Paika-ika na ito kung maglakad at nakangisngis na dahil marahil sa pagod, pero pinipili pa ring lumabas imbes manatili sa bahay kung saan parang walang pakialam ang mga tao sa kanya.

Minsan ay naikuwento daw ng matanda na noong maliliit pa ang kanyang mga anak ay wala pang washing machine kaya puro handwash o “oh san pu” ang ginagawa niya. Wala din daw silang katulong noon, kaya habang nagluluto ay umiigib siya ng tubig habang nakatali sa kanyang likod ang anak.

Awang awa si Mar sa matanda dahil nakikita niyang kulang na kulang ito sa atensyon at pag-aaruga ng mga mahal sa buhay, at ang kailangan lang ay ang may kausap.

Naisip tuloy ni Mar na ganito rin kaya ang nararamdaman ng kanyang mga magulang. “Nakaka homesick, naalala ko ang aking mga magulang sa Pangasinan na may katandaan na rin,” sambit niya na nangingilid ang luha. – George Manalansan 
Don't Miss