Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Ihaw- ihaw sa Hung Mui Kuk

10 January 2018

Maraming Pilipina ang nakaugalian nang mamasyal ay magpalipas-oras sa parke.


Ni George Manalansan 

Isa ang Hung Mui Kuk barbecue area na nasa loob ng Lion Rock Country Park sa Taiwai, New Territories, sa mga paboritong puntahan ng mga migranteng Pinoy at lokal na residente tuwing piyesta opisyal, o araw ng pahinga.

Ang lugar ay may mahigit 50 ihawan, ngunit kailangan pa ring magtungo dito ng maaga para makasiguro ng puwesto dahil naging ugali na ng mga dumarayo dito ang mag barbecue habang nagkakasiyahan.

May mga lakaran din paakyat ng bundok kaya maaaring mag ehersisyo muna bago magkainan. Kilala ang lakarang ito na tinawag na Hung Mui Kuk Nature Trail sa dami ng magagandang tanawing makikita paakyat ng bundok.

Sa tuktok ay makikita ang kilalang Amah Rock, na ayon sa pabula ay rebulto ng isang babae na nagihintay sa pagbabalik ng kanyang nawawalang asawa.

Ang lakaran o trail ay 1.3 kilometro ang haba, at kakakailanganin ng isang oraso mahigit pa, para ito mabaybay sa kabuuan.

Ayon kay Junalyn Atriginio na madalas mamasyal dito, kailangan na ang isa sa grupo ay magtungo dito ng maaga para masigurado ang puwesto. Saka na lang daw sumunod ang iba na namalengke ng mga iihawing pagkain,

Maaga pa lang kasi ay makikita nang nagbabaan ang maraming tao mula sa mga sasakyan, o naglalakad papunta dito, bitbit ang uling, pantuhog , mga inumin, at ang iba-ibang karne at lamang dagat na iihawin.

Madami din sa mga dumarayo dito ang makikitang may dalang aso, tungkod at malalaking backpack na puno ng mga gagamitin paakyat sa bundok. May bata at matanda, babae, lalaki o ibang kasarian, ang makikita na tinatahak ang matarik na daan paakyat o pababa mula sa bundok. Marami kasi ang halatang bihasa na sa paglalakad kaya balewala sa kanila ang pag-akyat, panaog mula sa bundok.

Sa grupo ni Caroline Canete, may ilan sa kanila ang pinipili ang umakyat muna sa bundok habang ang a kasama nila ay kampante na sa pagkukwentuhan at pag-iihaw sa kanilang kakainin.

Sabi ni Caroline, mahirap akyatin ng diretso ang bundok. Kailangan ay  pahinto-hinto muna para makapahinga, lalo na yung baguhan sa pamumundok. Malaking ginhawa daw ang mararamdaman kapag umabot sa mataas na parte dahil masarap langhapin ang sariwang hangin. Mas maganda daw na umakyat kapag medyo malamig na ang panahon dahil hindi ka masyadong makakaramdam ng pagkahapo at pagod.
Sa entrance pa lamang ay naamoy na ang pagkain mula sa Hung Mui Kuk barbecue area na nasa loob ng Lion Rock Country Park sa Taiwai, New Territories.

Nagpaalala naman si Junalyn na ingatan ang mga dala dahil may mga unggoy sa paligid na mahilig mang-agaw ng  pagkain. Nasanay kasi ang mga unggoy na pinapakain ng mga namamasyal dito kaya parang nakalimutan na nila ang kanilang sariling kakayahan na maghanap ng kakainin sa bundok.

Laging masaya ang mga OFW na dumadayo dito dahil hindi lang basta kainan at kuwentuhan ang kanilang ginagawa, kundi pati kantahan at sayawan sa saliw ng tugtog mula sa kanilang mga cellphone o bluetooth speakers.

Isa sa naging punto ng usapan ng grupo nina Caroline ang mga hitsura ng talong na iniihaw ng mga tao sa paligid. Iba-iba kasi ang laki at hugis, may payat na mahaba, punggok na mataba, may baluktok at diretso. Lalo nang naging berde ang msayang usapan  nang ihain ang mga bagong ihaw na talong na nanguluntoy na sa lambot.

Sabi ni Junalyn, pakiramdam niya ay hindi siya natunawan sa dami ng kanyang kinain, at walang humpay na kuwentuhan at halakhakan.  Sayang nga lang daw at kailangang umalis ng maaga ang ilan sa grupo dahil malayo pa ang kanilang uuwian.

Para makarating dito mula sa Central, sumakay sa bus no 182 papuntang Shatin at bumaba sa unang tigilan pagkalampas ng Lion Rock Tunnel.

Para mapabilis, maaaring sumakay sa MTR at bumaba sa Tai Wai station. Mula doon ay maaring sumakay sa taxi papunta sa Hung Mui Kuk. Hindi na muling papatak ang metro sa lapit ng biyahe.

Kung gustong mamili muna ng iihawin ang pinakamalapit na bilihan ay ang Tai Wai market.

Don't Miss