Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Bagong taon sa Dragon’s Back

15 January 2018

One of the highlights of the walk is going through a tunnel of trees.
Ni George Manalansan

Naging masaya at masigla ang pangangatawan at isipan ng mga miyembro ng grupo ni Lia Galve, sa kanilang ginawang pagtalunton sa popular na Dragon’ s Back trail sa  Shek-o Peak, noong unang araw ng bagong taon. Binansagan nilang “Friendship Hike with a Cause” ang kanilang paglakad dahil ang mga dumalong kaibigan ay mula sa iba’ t ibang samahan sa Hong Kong.

Nag-umpisa ang paglalakad mula sa bus stop ng To Tei Wan, bago binagtas ng grupo ang daan hanggang Big Wave Bay Beach. Inabot ng mahigit tatlong oras ang paglalakad na pinasaya ng manaka-nakang pag se “selfie” ng mga kalahok.

Participants of the Hiking for a Cause project (above) pose at one of the stops in Dragon’s Back trail, Shek O, on New Year’s day 2018. 

Habang nasa gasgas na landas, makikita sa lupa ang mga nakausling bato at mga ugat ng mga puno na siyang nagsisilbing  tuntungan sa trail. Ang bahagi naman na walang mga puno, kung saan natatanaw ang Shek O beach, ay paboritong lugar ng mga Intsik na mahilig magpalipad ng remote control airplane.

Sa patuloy na pagtugaygay ay makikita at malalaman kung bakit ito tinawag na Dragon’s Back. Dahil kasi ito sa paalon-alon at paliko-liko na daanan, na animo’y tunay na likod ng dragon.

May bahagi ang trail na parang tunnel, at ito ay nasa gitna ng gubat na napapalibutan ng mga punong madahon, kaya ang simoy ng hangin dito ay lubhang nakakaluwag ng paghinga. Makikita din sa itaas ang maraming maliliit na talon o waterfalls, na ang ilan ay walang tumutulong tubig, at animo’y natuyot na. Ang huling kilometro ng lakaran ay sementado na, at dito makikita ang proyekto ng Water Supplies Department para mas maiayos ang lugar.

Sabi ng isa sa mga naglakad, “talagang nawala ang pananamlay ko at sumigla ang aking katawan at isipan nang dahil sa mga benepisyong dulot ng  paglalakad.”

Kabilang daw sa kanyang mga New Year’s Resolution ang pagsumikapang makasama lagi sa mga lakaran, na agad namang sinang-ayunan ng kanyang kapwa hikers.

Sa pagbaba, makikita ang iba-ibang impormasyon tungkol sa bawat direksiyon na maaaring tahakin, katulad ng Big Wave Beach , Taitam at iba pang lagusan. Mabubulaga din dito sa mga nakapaskel na nagpapaalala ng: “Take your litter home.” Handa naman para dito ang tropa, dahil may dala silang mga plastic na lagayan ng basura.

Makikita din dito ang “Distance Post” kung saan may numero ng telepono na inilagay ng Country and Marine Parks Authority, para madaling mahanap ang kinaroroonan ng isang hiker sakaling mawala o may kailangang itawag na emergency,

Kung ang piniling daan pababa ay ang Big Wave, makikita ang isang maliit na komunidad kung saan may mga nag su surfing at may mga tindahan din ng barbecue at mga restaurant na ang pagkain ay mabibili sa abot-kayang halaga.

Hindi naman ito pansin ng grupo dahil marami ang nagdala ng pagkain, katulad ng biko, pancit, halayang ube, salad, buko pandan, salmon, ham, igadu, mango float, chocolate chip cookies , sandwiches, fried chicken at mga prutas.

Nag-ambagan din sila ng perang nakayanan ng kanilang bulsa, at bukal sa kanilang loob na ibigay. Gagamitin ito para bumili ng gamit sa eskuwela ng mga bata sa isla, na pangunahing proyekto din ng Guiwanon Fundamental Baptist Church, Children’ s Ministry na nasa Nueva Valencia, Guimaras Island.

Balak ng grupo na magsagawa ng apat hanggang limang “Friendship Hike with a Cause” sa mga darating na buwan ng taong 2018.

Para marating ito, sumakay ng MTR papunta sa Shaukeiwan. Lumabas sa exit A, at hanapin ang bus terminus. Sumakay ng bus #9 papunta ng Shek-o, at bumaba sa stop ng To Tei Wan.

Don't Miss