Pinababa siya ng among Intsik ng walang karampatang bayad at sinabihan na sa agency na lamang sila maghaharap. Pagdating doon ay tinakot daw si Hanna ng tauhan ng agency para pumirma siya sa termination letter dahil siya naman daw ang may kasalanan sa pagkahulog ng kanyang alaga.
Kahit wala naman daw makita na galos man lang sa bata ay sinabi ng ahente sa kanya na baka makulong pa siya pagkalipas ng ilang araw dahil baka may makita nang diperensya sa alaga.
Marami sa mga kaibigan ni Hanna ang nagsabi na huwag siyang pipirma sa termination letter pero ginawa pa rin niya. Dahil dito ay wala siyang nakuhang isang buwang sahod kapalit ng pasabi, kundi ang sahod lang sa mga araw na pinagtrabaho niya, at para sa tiket pauwi sa Pilipinas.
Tinangka niyang maghanap ng ibang amo sa mga ahensya ngunit puro tanggi daw ang inabot niya. Nawalan na siya ng kumpiyansa sa sarili kaya nagdesisyon siyang umuwi na lang na masama ang loob, lalo at naalala niya na hindi siya binibigyan ng amo ng pagkain sa umaga at pati kumot niya ay siya ang bumili.
Si Hanna ay 30 taong gulang, may asawa at anak, at tubong Cagayan Valley. Ang dating amo niya ay nakatira sa Shau Kei Wan. – Marites Palma