Sa kanyang opinyon na nalathala sa isang pahayagang dito kamakailan, sinabi ni Chief Secretary Matthew Cheung, na dating labour secretary ng Hong Kong, na hindi raw ipinarating ng mga opisyal ng Konsulado sa gobyerno ang mga malawakang panlilinlang ng mga employment agency rito sa mga manggagawang Pilipino.
At iginiit din niyang protektado ng mga batas ng Hong Kong ang lahat ng mga dayuhang katulong sa lungsod na ito.
Nakakapagtaka dahil madalas naming tanungin ang mga opisyal ng Konsulado kung natatalakay nila o naipaparating sa pamunuan ng Hong Kong sa mga pagpupulong ng Technical Working Group ang malaon nang nagaganap na panlilinlang ng ilang ahensiya sa mga Pilipinong nais lumipat sa ibang bansa at ang sagot nila ay “oo”.
Ang mga bansang inilalako ng mga mapanlinlang na ahensiya ay hindi lamang Brazil, Russia at Turkey, kundi maging ang Britain at Canada. At karamihan sa kanilang mga nalinlang ay mga kasambahay na nagtatrabaho sa Hong Kong at mga kamag-anak ng mga OFW sa Pilipinas.
Natuwa ang mga OFW, mga opisyal ng Konsulado at ang pamahalaan ng Pilipinas nang mapabalita ang pagsalakay at pag-imbestiga ng mga awtoridad sa tatlong employment agency sa Hong Kong na nagpapadala diumano ng mga Pinay sa ibang mga bansang.
Pagkaraan kasi ng mahabang panahon ay ngayon lang uli nagsiyasat ang mga pulis sa mga ahensiyang nambibiktima sa mga kababayan nating kasambahay at sa pagkakataong ito ay naging malaking balita dahil nalathala sa malalaking pahayagan ng Hong Kong.
Noong 2010 ay pinuntahan din ng mga pulis ang Natino Employment Service and Trading sa North Point pagkatapos dinggin ng Small Claims Tribunal ang kasong isinampa ng tatlong biktima ni Mila Ipp, ang kinatawan ng Natino na sumingil diumano ng hanggang US$2,000 sa bawat isa para sa mga hindi naibigay na trabaho sa Canada.
Ngunit walang nangyari sa kaso ni Ipp at pagkaraan ng dalawang taon ay nakapanloko na naman siya ng 15 katulong na Pilipina sa Hong Kong sa pamamagitan ng pag-aalok at paniningil sa kanila ng umaabot sa $28,000 para mga pekeng trabaho sa Cyprus. Sa pagkakataong iyon ay pinalitan lang niya ang pangalan ng kanyang ahensiya ng Limestone Overseas Services Trading Company.
Nitong mga nakaraang taon, napabalita ang JEM Employment and Trading Company, Excellent Nannies, at Emry’s Employment Agency/Mike’s Secretarial Services na sumingil din ng hindi bababa sa $10,000 sa bawat isa sa daan-daang mga aplikante sa mga trabaho sa Britain at Canada na pawang hindi nagkatotoo.
Sa ilang pagkakataon ay marami sa mga biktima ang nagreklamo sa pulisya ngunit nabinbin lamang sa istasyon ang mga sumbong nila at ang iba ay tahasang tinanggihan ng mga imbestigador dahil paniningil lang daw ng pautang ang mga kaso nila.
Minsan ay isang tagapagsalita ng pulisya ang nagpayo sa mga bagong-dating na katulong sa isang post-arrival orientation seminar, o PAOS, sa Philippine Overseas Labor Office na huwag silang magdalawang-isip na lumapit sa Commercial Crime Bureau kapag sila ay niloko ng mga scammer at illegal recruiter.
Nang sinamahan namin ang isang pangkat ng mahigit 10 biktima sa pulisya at kinausap namin ang mismong tagapagsalita ng CCB, sinabi niyang ang mga kasong tinatanggap ng nasabing sangay ng kapulisan ay iyon lamang mga kinasasangkutan ng $1 milyon pataas.
Sa kaso ni Ester Ylagan ng Emry’s/Mike’s nag-aatubili ang mga pulis na imbestigahan o sampahan ng dimanda si Ylagan tulad din ng pag-iwas nila sa mga reklamo laban kina Au ng JEM’s, Grace Chan ng Excellent Nannies at ilan pang mga recruiter.
Tuwirang naapektuhan ang Hong Kong nang suspindihin ng Department of Labor and Employment ang overseas employment certificate, o OEC, noong Nobyembre at ito ang nagbunsod kay Chief Executive Carrie Lam na magbanta ng mariing aksiyon sa ahensiyang nanlilinlang at nangangalap ng mga katulong papunta sa ibang bansa.
Pagkaraan niyon ay saka pa lamang kumilos ang mga pulis at tauhan ng Labour Department at sinalakay ang tatlong ahensiyang nagpapadala ng mga Pinay sa Brazil, Russia at Turkey.
Marahil ay nais ipakita ng Hong Kong ang sinasabi ni Matthew Cheung na protektado ng gobyerno ang mga dayuhang katulong dito, at upang ipakita rin sa madla na kung ipinarating lang ng Konsulado sa kanila ang problema sa human trafficking at illegal recruitment ay malaon na nilang inaksiyunan ito.