Sa mga pahinang ito ng The SUN ay mababasa mo ang iba’t ibang kuwento ng kapwa natin migranteng manggagawa. May kuwentong masaya, may malungkot; iba’t iba ang kulay.
Tatlo sa kanila ay pinagmalupitan ng mga taong maitim ang budhi. At kung hindi sa tulong ng iba, ng mga kapwa nila migranteng manggagawa, ay hindi mapuputol ang paghihirap hanggang mapalapit sila sa kanilang wakas.
Si Erwiana Sulistyaningsih, halimbawa, ay pasakay na sana sa eroplano pauwi sa Indonesia nang mapansin ng isang kababayan ang mga sugat at pasa niya, at lupaypay niyang katawan.
Agad itong tumawag ng tulong at, ika nga, the rest is history. Nakulong ang kanyang amo na si Law Wan-tung, at naghahabol ngayon ng danyos si Erwiana sa mga hirap at sakit na dinanas niya.
Mayroon ding nagsumbong sa Facebook page ng The SUN na pinagmamalupitan ang isang OFW, si Lanie Grade Rosareal.
Tinawagan namin ang mga may kapangyarihang tumulong, at nang sinundo siya ay sumama rin ang kasama niya sa bahay na si Rowela Subiono Suete. Ngayon ay nahaharap sa kaso ang amo nila, kasama ang kasong kriminal na ihahain ng pulis.
Si Marycor Sta. Cruz naman ay tinaguriang “Spiderwoman” ng Hong Kong, dahil kumalat sa Facebook ang larawan niyang nakasabit sa labas ng kanilang gusali habang naglilinis ng bintana noong paparating ang bagyong Hato.
Nang maging viral ang larawan sa internet at napahiya ang amo, pinapipirma siya ng termination letter. Nang hindi siya pumayag, pinalayas siya sa disoras ng gabi. Ngayon ay nakauwi na siya sa Pangasinan na may baong $30,000 — bayad ng amo bilang danyos sa ginawa nito.
Hindi man niya alam, ang kumuha ng larawan ni Marycor ay isang bayani. Kapag may nakita ka o narinig na pinagmamalabisan, magpa-pakabayani ka rin ba?
Hindi mo kailangang mang-away ng tao. Sapat na ang tumawag sa pulis (999), sa Konsulado (9155 4023), sa POLO (6080 8323), sa Mission for Migrant Workers (2522-8264) na kasama ang Bethune House, o sa The SUN (2544 6536).
Hawak natin ang sandatang puputol ng pambibiktima sa kapwa natin. Gamitin natin!