Alam ni Lovely na isa ito sa mga problema sa mga tambayan, tulay, park at kung saan may namamalagi na tuwing Linggo: bawal gamitin ninuman ang bagong puwesto dahil sigurado paalisin lang sila ng datihan na roon.
Dahil sa unang pagkakataon na magtipun-tipon sina Lovely at ang kanyang mga kagrupo, hindi niya pinansin ang sumita dahil ayaw niyang makipag-away at ayaw niyang masira ang unang pagkikita nila gayong masaya pa naman ang kuwentuhan nila.
Ngunit nang dumami na ang grupo nina Lovely ay saka dumating ang leader ng puwesto at sinita sila nito. Nagsalita ito nang nakatalikod at kahit nambabastos na, kinausap pa rin nang maayos ni Lovely at sinabing kakain lang sila at pagkatapos ay aalis na dahil may pagtitipon pa silang pupuntahan.
Alam ni Lovely na mataas na ang tensiyon ng dalawang grupo kahit tahimik lang ito, kaya minabuti niyang mag-umpisa para makaalis na sila.
Kahit ganun ang nangyari, hindi pa rin mapigilan ang tawanan at kasiyahan ng grupo, at talagang sinulit nila ang mga oras ng pagsasama at makilala ang bawat isa. Umalis sina Lovely sa puwesto na may respeto sa kapwa.
Laking pasasalamat nito sa kanyang mga kagrupo dahil kahit ganun ang nangyari, nagtimpi lang sila at sinunod ang hudyat at bulong na huwag pansinin ang kabila para hindi lalaki ang gulo. Kaya sa susunod na patitipon ng Domestic Workers Corner Group, kailangan nilang magplano nang maaga para alam nila kung saan sila puwedeng lumugar nang walang sisita sa kanila.
Si Lovely, 39 taong gulang at tubong-Visayas, ang siyang nagtatag ng DWSG. Siya ay nagtatrabaho sa Lantau Island. -- Rodelia P. Villar