Ang mga kasapi at bisita ng Isabela Federation, sa kanilang pagtitipon sa Chater Road. |
Ni Marites Palma
Isang malaking sorpresa ang nangyari nang magtipon-tipon ang mga miyembro ng Isabela Federation noong ika-10 ng Disyembre sa Chater Road, Central. Bigla silang napatayo sa kanilang kinauupuan nang biglang tumambad sa kanilang harapan ang mga Board Member ng probinsya ng Isabela, na sina Napoleon Hernandez, Abbie Sable, Alfredo Alili at Marcelino Espiritu.
Hinikayat ng apat na opisyal ng lalawigan na gawing modelo ng IsaFed ang San Agustin at Jones Chapter para sa pagtatayo ng OFW Cooperative na ayon sa kanila ay makakatulong nang malaki kapag nag forgood na ang kanilang mga miyembro.
Ginawang halimbawa ni Hernandez ang cooperatiba ng mga kapitan sa Isabela na nagsimula lamang sa kapital na Php40,000, na ngayon ay umaabot na sa Php9 million sa loob lamang ng ilang taon.
Hinikayat ni Hernandez ang mga opisyal ng grupo ng Jones at San Agustin na gumawa ng group chat nila upang masimulan na nila ang pag-uusap para sa mga dapat gawin sa pagtatayo ng kooperatiba.
Masigasig ang mga opisyal sa pagsusulong sa proyekto dahil ang Isabela Cooperatives ang tinanghal na Most Outstanding Provincial Cooperative sa buong Pilipinas kamakailan.
Ibinalita din ni Hernandez na maaring magkaroon ng Provincial Health Care Card ang mga naiwang kapamilya sa Pilipinas ng mga OFW. Lumapit lamang daw sila sa Kapitolyo at maaring magkaroon ng “on-the-spot” na Philhealth coverage para sa kanilang kapamilya na may karamdaman.
Napahanga ang mga bisita nang kantahin ng mga choir member ng IsaFed Performing Club ng kantahin ang Isabela Hymn at Isabela March nang walang mali.
Maging ang tradisyunal na kantang Nuang (Kalabaw) ay inawit ng buong buo ng mga taga San Agustin, na nakadagdag sa paghanga ng mga opisyal.
Bilang kapalit, kinanta naman ni board member Alili ang “Totoy Bibo”, na sinabayan naman ng sayaw ng buong tropa.
Naging makabuluhan ang maiksing pagtatagpo dahil nagkaroon ng pagkakataon ang mga OFW na personal na makaniig ang mga opisyal ng kanilang lalawigan.
Nagkaroon ng salo-salo pagkatapos ng programa na inihanda ng mga taga San Agustin Forever Friends.