Nabali ang kaliwang kamay, sugatan ang ulo, at tumabingi ang pelvic bone ng kanyang ama. Nag-alala nang husto si Mona sa sinapit ng ama dahil 70 taong gulang na ito, at mukhang malaki ang naging pinsala.
Naitakbo naman ito agad sa isang pribadong pagamutan para mabigyan ng agarang lunas, at doon na rin inoperahan. Sinabihan si Mona ng mga kapatid na huminahon dahil hindi na siya makatulog at mapakali, at laging malungkot sa pagtratrabaho dahil napakabigat daw sa dibdib na nakaratay ang kanyang ama sa ospital ngunit wala siya doon sa tabi nito para mag-asikaso.
Minsan ay humingi siya ng larawan ng kanilang ama para malaman kung ano ang hitsura nito pagkatapos ng operasyon pero ayaw siyang padalhan ng mga kapatid. Lagi ding nagdadahilan ang mga ito na mabagal ang internet connection sa kanila kaya hindi sila makapag video call sa kanya.
Alam ni Mona na ayaw talagang ipakita ang hitsura ng kanilang ama sa kanya kaya lalo siyang kinabahan.
Mabuti na lang at napakiusapan niya ang kanyang anak na kunan nang pasikreto ang kanyang lolo para maibsan ang kanyang pag-aalala. Gumaan ang kanyang pakiramdam at naibsan ang pangungulila sa ama nang makita ang larawan na ipanadala ng kanyang anak.
Dalawang fixator ang nakakabit sa katawan ng kanyang pinakamamahal na itay, isa sa tiyan at isa sa kanang kamay, ngunit hindi naman ito mukhang naghihirap nang husto.
Ilang araw din itong lumagi sa ospital bago naiuwi. Kumuha silang magkakapatid ng isang nars para linisin ang sugat nito mula sa operasyon tuwing umaga. Malaki man ang naging gastos sa ospital ay hindi naging mahirap kay Mona dahil nakihati sa pagbabayad ang kanyang mga kapatid. Mabilis ding gumaling ang kanyang ama dahil ang mga apo nito ang nagpapakain sa kanya.
Sa kabila ng nangyari sa kanyang ama ay nagpapasalamat pa rin si Mona dahil may mga kapatid siya at ibang kaanak na tumulong para maibsan ang kanyang pagdadalamhati.
Mahal nilang lahat ang kanilang ama dahil ito na ang tumayo bilang tatay at nanay nila dahil maagang pumanaw ang kanilang ina. Si Mona ay tubong Cagayan Valley at naninilbihan sa New Territories – Marites Palma