Ni Nelle J.
(Noong nakaraang buwan ay sumulat ng artikulo para dito si Nelle, 33 taong gulang at isang dating OFW sa Hong Kong na naengganyong lumipat sa Russia apat na taon na ang nakakaraan. Sa hinaba-haba ng pagtira niya doon ay nananatiling ilegal ang status ni Nelle dahil ayon na rin sa kanya, walang visa para sa mga domestic worker doon. Babala niya: huwag nang mag-ambisyon pa na magpunta sa Russia dahil walang proteksyon ang mga OFW doon, at walang katiyakan ang trabaho. Masyado pang malayo sa Pilipinas kaya mahirap umuwi, at may mga buwitre sa airport sa Pilipinas na naghihintay para sila kotongan. Si Nelle ay may dalawang anak at nagtapos ng kolehiyo sa Cebu. Balak niya na magtrabaho ng ilan pang taon sa Russia, mag-ipon, bago bumalik sa kanyang naghihintay na pamilya sa Pilipinas.-Ed)
May mahigit na 5,000 OFWs ngayon sa Russia na nagtatrabaho bilang household service, o domestic workers. Sa kasamaang palad, walang visa category para sa ganitong klaseng trabaho dahil sa ilalim ng batas ng Russia, ang ganitong trabaho ay naka reserba sa mga citizen ng CIS, (Commonwealth Independent States) member countries.
Galing ako sa Hong Kong, at para makapunta dito ay nagbayad ako sa aking recruiter ng USD3,500 noong taong 2013. Wala akong ideya na ang visa na hawak ko ay hindi akma sa papasukan kong trabaho dito. Mula sa Moscow, kinailangan pa akong magbiyahe ng tatlo’t kalahating oras sa eroplano, at isang oras sa kotse para marating ang lugar na pinagdalhan sa akin. Ibinigay lang sa akin ang plane ticket papunta doon ng agent na sumundo sa akin sa Moscow Airport.
Nalaman ko na lang na ilegal ang aking pananatili doon dahil tuwing may bisita ay itinatago ako ng amo ko. Hindi ako nakakalabas tuwing araw ng pahinga, at hindi ko rin hawak ang sahod ko. Ipinapadala lang nila sa mga magulang ko kapag sinabi kong kailangan ko nang magpadala.
Noong gusto ko nang umalis dahil nagkasakit ako at hindi ko na kaya ang sobra-sobrang trabaho ay pilit pinapabayaran ng amo ko ang binayaran daw nila sa agent. Doon ko lang nalaman na yung ibinayad ko sa Hong Kong ay napunta lang pala sa agent na naghahanap ng aplikante at nagde-deploy papunta rito. Yung agent dito sa Russia ay humingi naman ng bayad sa employer, kaya iyong sahod ko na dapat nasa USD1,300 hanggang USD1,500 ay naging 500 euro na lang dahil binabawas ng amo ang nagastos nila para makuha ako.
Noong tumakas ako sa aking amo at nagpunta ako sa Moscow ay doon ko nalaman ang tunay na kalagayan ng mga nagpupunta dito.
Karamihan ng mga nandito ay galing sa Hong Kong. May mga ahente na pumupunta sa Hong Kong at nag-iimbita sa mga OFW na pumunta dito, at nag-aalok ng package. Halimbawa, USD2,000 para sa imbitasyon, pagsundo sa airport at gastos para sa boarding and lodging. Pagdating dito ay saka lamang sila hahanapan ng trabaho. Marami ang pumipila sa mga agency para ma-interview, kaya marami ang natatambay nang matagal bago makapasok sa trabaho.
Nung magkaroon ng recession noong 2014 ay halos pumalo sa USD80 ang palit sa rubles, kaya ang dating sahod na USD1,3000 ay naging 50,000 rubles na lamang. Maraming amo ang nawalan ng trabaho, kaya damay pati ang kanilang domestic helper.
Ang visa na hawak namin ay kinukuha ng agency sa mga “quota” at “high specialist jobs” na inilalabas taon-taon para sa mga kumpanya. Pero ang mga trabahong ito ay para sa mga manager, supervisor, interpreter, o yung mga highly skilled na trabahador. Ibig sabihin, hindi angkop ang ganitong visa sa trabaho namin. Ganunpaman, binabayaran nami ito ng malaking halaga sa mga agency, mula USD3,500 pataas, depende sa ahente. May bisa ang ganitong visa sa loob ng tatlong taon.
Mayroon din namang “commercial” o “business visa” na may bisa lang ng isang taon, at kailangang i-exit tuwing ikatlong buwan. Ang halaga ng ganitong klaseng visa, na hindi rin angkop sa aming trabaho dahil pang negosyante lang dapat ito, ay mula USD1,500 pataas.
Ang full time job dito ay nasa 50,000 rubles (USD850) hanggang 70,000 rubles (USD1,200) ang sahod. Ang trabaho ay lima hanggang anim na araw sa isang linggo, at hindi lalampas sa 10 oras kada araw. Pwede kang stay out o stay in. Kung sa labas ka titira, siyempre sagot mo ang upa sa flat na hindi bababa sa 5,000 rubles, hindi pa kasama ang bayad sa tubig, kuryente at pamasahe.
May mga parttime na trabaho din, at ang bayad ay mula 250 rubles bawat oras, at meron din na kada bisita, depende sa laki ng flat na lilinisan. Puwede ding mag-alaga ng pusa, aso o baby na bawat oras din ang bayad.
Dahil nga sa di angkop sa aming trabaho ang hawak naming visa ay madalas pag na checheck ng mga police sa Metro Station ay bina bribe nila ng pera at tinatakot na ma deport pag di nag bigay.
Nitong June lang ay may mahigit 20 Pinoy na na-deport pabalik sa Pilipinas, at tinulungan sila sa kanilang kaso ng Philippine Embassy ditto. Ang balita namin ay “undocumented” sila o walang visa, samantalang ang iba ay fake na visa ang hawak.
Pero hindi naman ito nalalayo sa visa na hawak naming lahat. Kasi, kasama dun sa fake na visa yung hindi akma sa trabaho nila. Ang nakalagay kasi doon ay dapat mga manager sila o specialist pero ang talagang trabaho nila ay cleaner, nanny o tutor.
Nang patapos ang 2016 ay itinigil ang pagbibigay ng quota visa at ang pagtanggap ng mga dayuhang trabahador dahil priority daw ng Russia ang pamamahagi ng tourist visa sa mga dadalo sa FIFA Cup nitong katatapos na Hulyo. Dahil dito ay marami ang nawalan ng visa, o tuluyan na silang naging ilegal.
Idagdag pa rito na may isang Russian agent na na-raid kung saan maraming Pilipino ang nagpasok ng kanilang mga dokumento. May ilang passport na naibalik sa Embassy, at mayroon ding hawak ng pulis. Hindi malinaw kung ang mga ito ay ipinasa din nila sa Embassy kinalaunan.
Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pagdating ng mga OFW mula sa Hong Kong, kaya napilitang maglabas ng babala o advisory ang Embahada. Naghigpit na rin kasi ang gobyerno ng Russia, at marami ang na-report na nahuli pero tinulungan ng Embahada na huwag nang mapiit at madinig agad ang kaso para makauwi na ng Pilipinas.