Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Katulong na may TB, umuwi na

03 December 2017

Nakauwi na sa Cebu si Warren B., ang kasambahay na nagkasakit ng tisis (tuberculosis) dahil sa sobrang puyat at pagod sa paglilingkod sa kanyang mga among doktor at nurse.

Nagsimulang pahirapan diumano ng mga amo sa trabaho si Warren noong Agosto nang tumanggi siyang pumirma ng panibagong kontrata. Noong umpisa ay maaga siyang nakakatulog ngunit kinalaunan ay alas-3 na ng madaling araw kung makatulog ito. Ang pinakamaagang tulog niya ay hatinggabi.

Noong Okt 15, sa kalagitnaan ng Signal No. 8, siya ay isinugod sa Queen Mary Hospital dahil hindi na siya makalakad at nilalagnat pa. Tinulungan siya ng isang taong tumawag sa assistance to nationals section ng Konsulado, na nagpayo na ipa-admit na sa ospital ang katulong.

Naglagi si Warren sa Queen Mary Hospital mula Okt 15 hanggang Okt 25, bago inilipat sa Grantham Hospital dahil nilalagnat pa. Pinanatili siya roon hanggang sa naging negative na siya o hindi na nakakahawa ang sakit niya. Pinalabas siya sa ospital noong Nob 14 at binigyan ng “fit to travel” clearance at puwede na raw siyang sumakay ng eroplano.

Tinawagan niya ang kanyang ahensiya para sunduin siya dahil hindi siya makalalabas kung hindi maiprisinta ang kanyang pasaporte at Hong Kong ID, na parehong hawak ng ahensiya. Gabi na nang tumawag muli si Warren sa kakilala na tumutulong sa kanya upang alamin kung ano ang dapat niyang gawin.

Tinawagan muli ng taong iyon ang ATN at ang opisyal ng OWWA, na siyang tumawag sa kanyang ahensiya.

Ayaw pa sana ng ahensiya na doon siya matulog sa boarding house dahil delikado pa raw ang kalagayan niya at baka mahawa ang ibang mga aplikante na nandoon. Pero walang magawa ang ahensiya dahil ang Konsulado mismo ang nagbilin kay Warren na pagdating niya sa boarding ng agency ay tawagan niya ito kung hindi maganda ang pagtrato sa kanya.

Noong Nob 15, araw ng Sabado, kahit mahina pa ay nagpasama si Warren sa kanyang kaibigan para kunin ang kanyang mga gamit na nasa bahay ng kanyang amo. Nagparinig pa raw ng hindi maganda ang kanyang amo, na hinawaan daw sila ng kanyang sakit na nakuha sa mga kaibigan niya.

Dumiretso si Warren sa Catholic Centre at sumulat kay ATN officer Danny Baldon at ibinilin na siya na lang ang bahalang magpalagay sa watchlist sa kanyang mga amo dahil kinabukasan, alas-9:45 ng umaga, ang flight na kinuha ng kanyang agency pabalik sa Pilipinas. 

Nagpadala ng mensahe at nagchat sila ng tumulong sa kanya. Ito ang kanyang ipinaabot: Nagpapasalamat sa lahat na tumulong sa kanya sa Konsulado at sa lahat ng kapwa OFW na nag-alala sa kalagayan niya noong nalathala sa Facebook at sa The SUN ang kanyang sinapit.

Sa ngayon, ang kanyang ipinagdarasal ay ang kanyang tuluy-tuloy na paggaling. --Merly T. Bunda

Don't Miss