Ipinakita agad ni Ate Magdalena ang email at password ng kanyang BMOnline account, sabay sabi ng, “Ne, patulong naman aakyat ako kuha ng OEC”.
Naawa na naaliw ang volunteer kaya tiningnan muna ang e-mail address at password nito, at sinubukan siyang I log-in gamit ang kanyang sariling cellphone. Nabuksan naman ang account ni ate kaya na-edit pa ng volunteer ang ilang impormasyon bago siya inaplayan ng OEC exemption.
Naglapitan naman ang ilang tao sa pila para malaman kung makakatulong ba sa kanila ang paliwanagan. Sinabi ng volunteer kay ate na hindi na niya kailangan pang pumila para makaakyat para sa OEC dahil puwede iyang ipakita na lang ang kanyang exemption number.
Ngunit hindi pumayag si ate na wala siyang hawak na papel katulad ng dati. Naisip ng volunteer na gamitin ang mismong telepono ni ate para doon kunin ang exemption number nito at ipa print sa amo, pero wala pala itong smart phone.
Kahit anong paliwanag ng volunteer ay hindi pa rin maintindihan ng matanda kaya sinamahan na lang siya ng volunteer sa isang computer shop para doon ipa print ang kanyang exemption slip. Kahit nagbayad ng $15 sa isang pirasong papel ay natuwa pa rin si ate dahil hindi na siya kailangan pang pumila ulit.
Ibinigay ng volunteer ang kanyang pangalan at numero para sa susunod na pag-uwi ni ate ay tatawagan na lang siya nito para matulungan. Si Ate Magdalena ay 32 taon na sa Hong Kong nguni’t hanggang ngayon ay hindi pa rin maintindihan ang proseso ng pagkuha ng OEC exemption para masiguradong makakabalik siya sa kanyang trabaho sa Hong Kong pagkatapos magbakasyon sa Pilipinas - Rodelia Villar