Pinaikutan ng mga nag-martsa ang isang parte ng Chater Road, na nagsilbing entablado sa pagpapahayag ng niloloob. |
Nagsagawa ng kilos-protesta ang isang grupo ng mga migrante noong ika-10 ng Disyembre sa Central, bilang paggunita sa pandaigdigang selebrasyon ng Araw ng Karapatang Pantao.
Pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan Hong Kong at Macau (Bayan HK-Macau) ang martsa na nagtapos sa Chater Road bandang alas-4 ng hapon.
Tinuligsa ng mga nagprotesta ang extra-judicial killing o ang pagpatay sa libo-libong katao sa Pilipinas sa ngalan ng kampanya laban sa droga ng pamahalaan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte. Kabilang sa kanilang mga isinigaw ay: “Puro pangako, walang pinag-iba! Puro paasa, walang pag asa!”., “Walang pagbabago sa ilalim ni Rodrigo!”, “Kami ay aktibista, hindi terorista!”, “Stop killing the poor!”, “Stop human rights violation!”
Ayon kay Bayan chairperson Eman Villanueva, kailangang manindigan ang mga migrante laban sa maling ginagawa ng mga pulis sa Pilipinas na pinapatay ng parang insekto ang mga pinaghihinalaang gumagamit o nagtutulak ng droga. Ayon sa kanya, marami sa mga pinatay ay inaapakan, inihahampas, kinakaladkad palabas ng bahay kahit nasa gitna ng hapunan, at pagkatapos ay babarilin at tatawaging adik. Gawain daw ito ng mga pulis dahil binibigyan sila ng quota para sa kanilang mga napapatay.
Diin ni Villanueva, hindi dapat patayin ang isang tao ng walang “due process”, o kaukulang paglilitis sa kasong isinampa laban sa isang akusado. Dapat daw silang dalhin sa korte para malaman kung tunay silang nagkasala, at hindi basta-basta na lang pinapatay.
Pinalakpakan nang husto si Villanueva, lalo na nang sabihin niya na ang laging target ng mga pumapatay ay ang mga mahihirap na nakatira sa mga barong-barong, at hindi ang mga sindikato na nagkakamal ng pera dahil sa pagbebenta ng droga.
Kinondena din ni Villanueva ang pagpatay sa nagtataguyod ng karapatang pantao gaya nina Tito Paez at Bishop Alberto Ramento, samantalang hindi man lang inaaresto ang mga pulitikong gahaman, mayor na may kaso ng panggahasa o pagkamkam ng lupa, at iba pang abusadong opisyal ng gobyerno.
Kabilang sa mga nagsalita si Dolores Pelaez ng United Filipinos in Hong Kong (Unifil-Migrante) na nanawagan sa alahat na manindigan para sa kanilang karapatan at pagpapahalaga sa buhay ng bawat Pilipino.
Sabi pa niya, marami sa mga migranteng manggagawa ang kinakabahan dahil hindi nila maproteksiyunan ang kanilang pamilya sa Pilipinas, katulad ng kaso ni Kian de los Santos, isang anak ng OFW na pinatay gayong hindi naman drug addict.
Nanawagan si Pelaez sa gobyerno ni Duterte na itigil na ang pamamaslang sa mga inosente para hindi na madagdagan pa ang 13.000 na napatay.
Kabilang sa mga dumalo ang ilang mga pari at pastor. Isa sa kanila, si Pastor Joram Calimutan, ang nagsabi na ang pangulo daw ng Pilipinas ngayon ay isang makabagong Herodes.
“Naririnig ng Diyos ang ating karaingan at alam ang ating kalagayan”, ang sabi ni Pastor Joram. “Ang pinaka mainit na lugar sa impiyerno ay hindi para sa mga makasalanan ,bagkus ito ay para sa mga walang ginagawa para itama ang kasamaan.”
Ayon sa isang tagapagsalita Ang ating Pangulo ng bansa ngayon ay isang Makabagong Herodes. Naririnig ng Diyos ang ating karaingan at alam ang ating kalagayan. ang sabi, ang pinaka mainit na lugar sa impiyerno ay hindi para sa mga makasalanan ,bagkus ito ay para sa mga walang ginagawa para itama ang kasamaan.
Sa bandang huli, nagkaisa ang mga dumalo, kabilang ang ilang mga pari at pastor, na magsindi ng kandila bilang tanda ng kanilang panata na ipagpatuloy ang pakikibaka para sa hustisya at karapatang pantao.
Nagtapos ang programa sa pag-awit ng “Bayan Ko.”