Ang mas nakakapagtataka ay pinili pa ng kanyang kaibigan na mag-taxi papunta ng airport gayong napakakuripot nito. Paliwanag ng kanyang kaibigan, ayaw nitong ma-late sa kanyang flight pauwi sa kanilang bayan dahil ayaw niyang maghintay ang kanyang dalawang anak na dalaga, na ang isa ay ganap nang doktor, samantalang computer engineer naman ang pangalawa.
Matagumpay na naitaguyod ng kanyang kaibigan ang pag-aaral ng mga anak sa kakarampot nitong suweldo. Ang ipinagtataka ni Ben ay ayaw pa ring mag for good ang kaibigan na 65 taong gulang na, gayong maganda na ang buhay ng kanyang pamilya.
Sa isip ni Ben, marahil ay masipag lang talaga ito at alam na hahanap-hanapin ang buhay nito sa Hong Kong ng ilang taon.
Kahit hindi sila magkalahi ay maganda ang samahan ng magkaibigan. Katunayan, si Ben pa ang nagturo sa Pakistani na gumawa ng Facebook account para makausap nito nang libre at palagian ang mga anak. Tuwing may problema ito sa computer o sa internet ay lagi ding si Ben ang takbuhan ng matanda.
Kaya noong nasa Pakistan na ito ay lagi nitong tinatawagan ang kaibigang Pinoy para mangumusta at sabihing nami-miss niya ito. Si Ben naman ay nami-miss din ang kaibigan dahil wala nang nagluluto ng kanyang paboritong ulam na may curry. Si Ben ay 42 taong gulang at tubong Cagayan Valley. – Marites Palma