Isang kasambahay na Pilipina ang nabigla nang imbestigahan siya ng mga pulis kamakailan kaugnay ng natagpuang isang patay na fetus sa isang inidoro sa kubeta ng palengke ng North Point noong Nob 5.
Iyon ay dahil sa kahawig ni Beth L., 38, ang isa sa dalawang babaeng nakita diumano sa CCTV na sabay na pumasok sa kubetang iyon at sabay ding lumabas noong gabi ng Linggong iyon.
Noong Nob. 27, bandang ika-7:30 ng umaga, pagkatapos ng 11 araw na pag-iimbestiga at pagmamanman kay Beth ay may dinakip ang mga pulis sa Tseung Kwan O na isang katulong na Indonesian. Isa ito diumano sa dalawang babaing nakuhanan ng CCTV ng video habang papasok at papalabas sa nasabing kubeta noong Nob 5. Noon lang nakahinga nang husto si Beth.
Ang suspek ay nahaharap sa sakdal na “pagtatago sa panganganak ng isang sanggol”, isang krimeng may kaukulang parusang dalawang taong pagkakabilanggo.
“Hindi ko akalaing sa dinami-dami ng tao sa Hong Kong ay ako pa ang napaghinalaang naglaglag ng bata,” sabi ni Beth, may asawa at may 12-taong-gulang na dalagita, sa pakikipanayam sa kanya noong Linggo.
Nakita raw ng mga pulis sa CCTV footage ang mukha ng babaeng mahaba ang buhok at may malaking hikaw na kasama ng isang tomboy na lumabas sa kubeta.
Nagkataon namang dumaan si Beth sa bahaging iyon ng North Point dahil nag-impake siya ng isang kahon ng mga pagkain at damit na ipapadala sa Pilipinas.
Ayon kay Beth, isang linggo na palang sinusubaybayan ng mga pulis ang bawat kilos niya umpisa noong Nob.5.
Noong Nob. 16, bandang 12:45 ng tanghali, papalabas na siya sa Tseung Kwan O MTR galing sa paghahatid ng pagkain ng kanyang alagang nag-aaral sa Lamtin, nang bigla siyang pinalibutan ng siyam na lalaki at isang babaeng pawang hindi naka-uniporme.
Nagpakilala ang pangkat na mga pulis sila at nagpakita ng mga ID.
Nagtaka at nagulat ang katulong at kumabog ang dibdib niya. Hiningi ang kanyang Octopus at sinuri sa computer ang lahat na detalye nito.
Tinanong siya kung may iba pang taong gumagamit ng kanyang Octopus, ngunit ang kanyang sagot ay wala. Tinanong siya kung saan siya nanggaling noong Nob.5, sino ang kasama niya, at ano ang ginawa niya.
Ang sagot niya ay nag-impake siya ng kanyang door-to-door box na ipadadala sa kanyang pamilya sa Pilipinas. Pati ang laman ng box ay tinanong. Ang akala raw niya ay baka may naglagay ng droga sa kanyang kahon kaya siya tinatanong. Ngunit sinabi raw ng mga awtoridad na may natagpuang fetus sa kubeta ng North Point Market.
Nagtataka umanong tinanong niya kung nasaan ang fetus, na sinagot naman dawn g pulis ng, “Hindi mo alam?” Parang sinisindak daw siya ng nagtatanong, at inaalam kung sino yong kasama niya. Ang sagot niya ay isang kaibigan na doon din sa Tseung Kwan O nakatira.
Inutusan siyang tawagan ang kaibigan kung puwede itong bumaba. Marami ring silang tinanong sa kanyang kaibigan, at napaka-istrikto umano ng babaing pulis kung magtanong. Ayaw niyang pangiti-ngiti ang dalawang Pilipina dahil mabigat na kaso raw ang pag-iiwan ng fetus lalo na at ito’y patay na.
Kinalaunan ay inalok umano ni Beth ang mga police: “Kung gusto ninyo, sundan ninyo ako sa bahay ng aking amo para makita ninyo yung resibo at kung gusto ninyong imbestigahan yung boxes ay buksan o ipa-hold at huwag munang ipadala sa Pilipinas.”
Sumama ang dalawang pulis pag-uwi ni Beth sa bahay ng kanyang amo. Kinausap pa nila ang guwardiya sa kanilang gusali na nagsabing kilala niya si Beth dahil matagal na itong nakatira roon. Sinabi rin ng guwardiya na hindi siya ang babae sa CCTV at hindi siya nagsusuot ng dangling na hikaw.
Bago umalis iyong mga pulis, sinabihan nila si Beth na magreport sa North Point police station ng alas-2 ng hapon sa Nob. 16. Ipinaalam niya iyon sa kanyang among lalaki dahil sa sobrang nerbiyos. Pagdating ng Nob. 16, humingi siya ng payo sa kaibigan.
“Huwag kang matakot kung wala ka namang nagawang krimen at maging kalmado lang sa pagsagot kung anong itatatanong nila sa iyo,” payo ng kaibigan.
Pagsapit ng 2:00 ng hapon, sa police station, ay tinawagan niya ang amo niya dahil kabilin-bilinan nito na tawagan siya para ito ang kakausap sa ang police officer.
Kinausap nga ng amo ang pinakamataas na opisyal sa istasyon at sinabihan na kung gustong nilang imbestigahan si Beth ay kausapin lang nang maayos ang kanyang helper.
Natapos ang paulit-ulit na interrogation sa kanya nang 6:30 ng gabi, at umabot sa 12 pahina ng sulat-kamay na salaysay ang nakuha ng nag-imbestiga sa kanya.
Gutom at pagod dahil hindi nakapananghalian at nahihilo sa paikut-ikot na mag tanong, sinabi ni Beth na payag siyang magpa-medical kung kinakailangan upang linisin ang kanyang pangalan.
Simula noon ay tumigil na ang pagsubaybay sa kanya at napanatag na ang kanyang loob.