Ni Marites Palma
Naging matagumpay ang Palarong Pinoy na pinangunahan ng Friends of Bethune House noong ika-29 ng Oktubre sa Chater Road sa Central.
Ang Filipino Migrants Workers Union (FMWU) Chater Road Chapter ang tinanghal na kampeon sa Palaro, na nilahukan ng iba’t ibang asosasyong tumatangkilik sa Bethune House.
Napatunayang sariwa pa rin sa puso ng mga Pilipino ang orihinal na larong Pinoy gaya ng patintero, luksong tinik, sungka, Chinese garter, tumbang braso, basagang palayok, at iba pa, na nagdulot ng di mailarawang galak sa lahat ng nakilahok.
|
Ang Limbo Rock at basagang palayok
ang ilan sa mga paligsahang ginanap sa Palarong Pinoy.
|
|
Tinalo lahat ni Jen Cabanez mula sa Organic ang mga katunggali sa tumbang braso, samantalang si Sheryl de Chavez naman ng Filguys Gabriela HK ang nagwagi sa limbo rock. Ang nagtala naman ng pinakamataas na lundag sa larong luksong tinik ay ang grupong Cuyapo, samantalang ang Filipino Friends ang nanalo sa chinese garter.
Ang nagdulot ng pinakamalakas na tawanan at hiyawan mula sa lahat ay ang panghuling laro na basagang palayok.
Muli ay napatunayan at naipakita ng mga mangagawang Pilipino na hindi pa rin nabubura sa kanilang isipan ang mga nakagisnang laro.