Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Pagsasanay pangkabuhayan, tuloy kahit may bagyo

07 November 2017

Ni George Manalansan

Hindi napigilan ng T8 na bagyo ang 76 migranteng manggagawa na magtipon-tipon sa Bayanihan Centre noong Okt. 15 para sa kanilang nakatakdang pagsasanay sa paggawa  ng mga popular na kakanin,  leche puto (kombinasyon ng leche flan at puto) at siomai.

Ang pagtuturo ng ‘pangkabuhayan/skills training’ ay isa sa mga proyekto ng Card HK Foundation na ang layunin ay makapagbigay ng dagdag kaalaman sa mga migrante bilang paghahanda sa pagbalik nila sa Pilipinas.
Ipinakikita ng mga trainees (sa kaliwa) ang mga produktong natutunan nilang gawain dahil sa dinaanang pagsasanay.

Ayon kay Emelia Dellosa, trainor ng leche puto, taong 2014 nang maisipan ng isang misis sa Quezon City na gumawa ng panghimagas na ito. Dumalo kasi ito sa isang kasiyahan na ang matamis ay kakarampot na leche flan, at nabitin siya. Naisip niya na pagsamahin ang puto na kapag solong kinakain ay tuyo sa bibig, at ang leche flan na kadalasan ay ma-krema at ubod ng tamis. Ang kinalabasan ay leche puto na malasa at  makrema pero hindi masyadong tuyo o matamis.

Naging katuwang ni Dellosa si Tess Mapa sa pagpapaliwanag at pagpapakita kung paano ito iluto.

Nagpakitang gilas naman ang magkatuwang na sina Joan Cabodil, na nagtapos sa Martha Sherpa Cooking lessons; at Gwen sa paggawa ng siomai, na patok na patok sa mga Pilipino na gustong matuto ng lutong Intsik.

Habang patuloy ang malakas na ulan sa labas ay masaya naman ang mga kalahok sa matamang pagtutok sa mga itinuturo sa kanila, mula sa pangangalap ng sangkap at pagsasama-sama sa mga ito, paraan ng pagluluto, hanggang sa paghapag sa mesa.

Mas maigi daw ang aktuwal na lumahok sa ganitong pagsasanay kaysa magbasa o manood sa TV at internet ng paraan ng pagluluto.

Laking pasasalamat din nila sa mga trainor na dumating lahat sa kabila ng unos para hindi sila umuwing luhaan.

“Ang sisipag ng trainors”, sabi ni Catalino Magno.

Ayon naman kay April Milo, “Learning is fun”. 

Masayang sinabi naman ni Chona Blancaver na hilig nya talaga ang gumawa ng kakanin at mas nagkaka-interes siya kung aktuwal na itinuturo ang pagluluto.

Sambit naman ni Rose Martin, “paghahanda sa pag for good,” ang pakay niya.

Ayon sa isa pang kasali, dahil sa kanilang natutunan ay maaari na silang magtayo ng sariling puwesto at hindi na kailangang umasa sa prangkisa.

Karamihan ay ito rin ang iniisip, ang magtayo ng sariling negosyo sa kanilang pagbabalik para hindi na nila kailangan pang iwanan ang mga mahal sa buhay para lang mabuhay.

Para sa susunod na pagsasanay ng CARD HK ay tumawag lamang sa telepono bilang 5423 8196 o 9529 6392

Don't Miss