Responsive Ad Slot

Latest

Sponsored

Features

Buhay Pinay

People

Sports

Business Ideas for OFWs

Join us at Facebook!

Nagka-TB dahil sa kapupuyat

02 November 2017

Isang katulong na Pilipina ang ginagamot ngayon sa isang isolation room ng Grantham Hospital sa Wong Chuk Hang Road, Aberdeen, dahil sa sakit na tisis, o tuberculosis.

Inilipat si Warren B. sa nasabing pagamutan mula sa Queen Mary Hospital noong Okt 19, pagkatapos siyang suriin ng mga duktor at hindi pinayagang umuwi sa bahay ng amo. 

Dinala ng mga kapwa-OFW sa Queen Mary si Warren noong Okt 15 habang nakataas ang Typhoon Signal 8 sa Hong Kong sa kasagsagan ng bagyong Khanun dahil napansin nilang hinang-hina ito, namumutla at namamaga ang mga paa. Madalas din siyang umubo at pabalik-balik ang lagnat.

Bago siya isinugod ng mga kababayan sa ospital ay itinawag diumano nila sa assistance to nationals section ng Konsulado ang kalagayan ng Pilipina. Sinabihan sila umano ni ATN officer Danny Baldon na dalhin ang maysakit sa Queen Mary. 

Pagdating sa ospital, ipinailalim ng duktor ang pasyente sa iba’t ibang pagsusuri at maraming itinanong sa kanya. 

Sinabi ni Warren sa mga tumulong na malamang ay nagkasakit siya dahil palagiing kulang sa tulog. Ang pinakamaaga raw na pagtulog niya ay alas-11 sa gabi at madalas ay hanggang 2:30 ng madaling araw ay gising pa siya. Ayaw daw kasi ng amo na matulog siya nang hindi pa natatapos ang mga gawain niya. 

Dahil umano sa hirap na ang kanyang katawan ay nagsabi siya sa kanyang among babae noong Septembre na ayaw na niyang mag-renew ng kontrata.

Kinukunsulta niya ngayon sa mga nakakaalam kung may habol pa ba siyang kabayaran mula sa amo dahil malamang na ang sanhi ng kanyang sakit ay sobrang pagtatrabaho at kakulangan sa tulog. Wala naman daw iba pang dahilan ang kanyang pagkakaroon ng TB, na isang nakahahawang sakit. -- Merly T. Bunda

Don't Miss