Kung nagtatanong at nakikinig lang sana ang mga ilang kababayan nating manggagawa bago sila nagpadala sa matatamis ng pangako ng mga illegal recruiter at human trafficker ay wala sanang nagdurusa ngayon sa kamay ng mga luminlang sa kanila.
Ngunit kadalasan ay kumakagat muna sila sa pain ng mga mandurugas at hindi na nag-iisip o nagtatanong bago magbitiw ng malaking halaga ng pera bilang kabayaran sa pagbibigay ng trabaho sa kanila sa ibang bansa.
Saka na lang magsisisi ang mga kabababayan natin kapag napagtanto na nilang niloko lang pala sila ng mga taong nag-alok ng mga trabahong kagila-gilalas ang laki ng pasahod at mga pangakong benepisyo.
Isang taon pa lamang magmula noong pumutok ng balita ukol sa panlilinlang ni Ester Ylagan, ang may-ari ng dating Emry’s Employment Agency at Mike’s Secretarial Services, sa tinatayang 500 OFW na umasang magkatrabaho sa Canada at England ay eto at sumambulat naman ang balita ukol sa mga kababayan nating naakit sa mga pangakong trabaho sa Russia at nagsisisi ngayon.
Sa katunayan ay matagal nang nangangalap ng mga OFW na nagtatrabaho sa Hong Kong, Singapore, Taiwan at mga bansa sa Middle East ang mga taong nasa likuran ng pinakahuling kaso ng illegal recruitment at human trafficking patungo sa Russia.
Ito ay batay sa mga ulat na ipinarating kamakailan ng mga biktima ni Ahmed Sameer kay Labor Attache Jalilo dela Torre..
Si Sameer, alyas Ahmed Amir, ay may iba’t iba pang pangalan sa Facebook na Jon Meer, Meer Jon Meer, Meer Joni at Joni Meer, at maaaring marami pang iba.
Bago pa lang pumutok ang panlilinlang ni Ylagan sa kanyang mga naakit na OFW para sa Britain at Canada ay tahimik nang umeenganyo si Sameer at ang kanyang kinakasamang Pinay sa Moscow ng mga katulong sa Hong Kong para naman sa Russia.
Mahigit limang taon nang nakakapanloko ng mga OFW ang sindikatong ito kung ang pagbabatayan natin ay ang sinasabi ng mga nagreklamong kababayan nating nalagay ngayon sa alanganin sa Moscow, St. Petersburg, Vladivostok at iba pang malalayong lungsod sa Russia.
Inamin na rin ni Sameer sa isa sa kanyang mga Facebook account na ang operasyong ito na nakapangalap na rin noong nakaraan ng mga Pilipinong katulong sa Hong Kong at ipinadala sa Turkey.
Nag-anunsiyo na rin siya ng mga trabaho sa United States at Canada sa kanyang ibang mga Facebook account at ipinagmalaki pang madali na raw kumuha ng US visa para sa mga aplikante.
Sa sandaling ito ay hindi pa natin alam kung ilan daang OFW sa Hong Kong ang naaakit na ni Sameer at kasalukuyang nasa Russia o papaalis pa lang.
Batay sa sumbong ng mga biktima kay Labatt Dela Torre, siningil sila umano ni Sameer ng US$3,500 para sa imbitasyong magtungo sa Russia na gamit ay commercial visa. Pinangakuan niya diumano ang mga biktima na may naghihintay nang mga amo sa kanila.
Pagdating ng mga biktima sa Moscow ay saka pa lamang nila malalaman na wala pa silang amo kaya doon sila nakatambak sa bahay na inuupahan ni Sameer. Libre umano ang pagkain nila sa unang buwang ngunit pagkaraan ay sisingilin na sila ng US$500 buwan-buwan.
Isang biktima ang siningil diumano ni Sameer ng kabuuang US$4,000 – ang paunang bayad na US$1,100 at $1,100 uli pagdating ng imbitasyon. Ang panghuling bayad na US$1,800 ay kinaltas na umano buwan-buwan nang may nakuha na siyang trabaho.
Noong hindi pa binulabog ni Labatt Dela Torre ang operasyon ni Sameer ay naglagay siya ng anunsiyo ng Ayesha Staff sa kanyang Facebook account, at doon ay nakalagay ang lahat ng serbisyong iniaalok sa mga Pilipinong aplikante para sa Russia. Ang gamit niyang pangalan doon ay Ahmed Amir na diumano ay general director ng kumpanya.
Ngunit noong nabulilyaso na ang pinakahuling misyon sa Hong Kong ng kanyang kaparehang si Kathleen F. Pimentel ay saka sinasabi niya sa mga OFW pinapunta niya sa Russia na wala siyang ahensiya at nag-aahente lamang siya para sa mga ahensiyang Russo. At sinasabi niya diumano na namumursiyento lamang siya.
Pinadalhan ng masasamang mensahe ni Sameer si Labatt Dela Torre dahil sa pagkaunsyami ng kanyang operasyon. Pagkaraan ng ilang araw ay nag-post naman ito ng mga larawan na kuha sa loob ng Philippine Embassy sa Moscow at kausap ang isang opisyal doon. Ang sabi niya ay patunay daw iyon sa mga “tismosa” na hindi siya masamang tao. Hindi naman matiyak kung kailan ito kinunan, at kung ano ang okasyon.
Mayroon pa kayang OFW na maniniwala sa kanya gayong marami nang biktima ang lumitaw at nagsumbong tungkol sa masamang gawain niya? Kung mayroon man, iyon ay ang mga nasilaw sa pangako at nabulag ng pag-asam sa malaking pera.