Noong Okt 6, bandang alas siyete medya ng umaga, habang naghanda ng almusal ng kanyang mga amo si Ella sa bahay nila sa Tseung Kwan O ay biglang gumapang sa kanyang paa ang isang alupihan at kinagat ang kanyang hinlalaki.
Napasigaw sa sakit si Ella, at maagap naman siyang sinaklolohan ng among Briton na kaagad pinatay ang alupihan.
Bagamat nasaktan ay hindi ito unang pinansin ni Ella. Ngunit wala pang isang oras ay nakita niyang nangitim at namaga ang kanyang paa na kinagat.
Agad siyang isinugod ng amo sa emergency room ng Tseung Kwan O Hospital at nang malaman ng doktor na kinagat siya ng alupihan ay agad siyang tinurukan ng gamot kontra sa tetano. Binigyan din siya ng gamot para pantanggal ng sakit.
Pinagpalipas siya ng dalawang oras sa ospital bago siya pinauwi. Pagdating sa bahay ng kanyang amo ay sumakit muli ang kanyang sugat dala ng kagat ng alupihan. Ayon kasi sa doktor, kung gaano daw kalaki ang kumagat na alupihan ay ganoon din katindi ang mararanasan niyang sakit.
Tatlong turok ang kailangan niya para masigurong hindi siya kakapitan ng tetano. Ang pangatlong injection ay sa Nob 3 pa niya kailangang balikan.
Gustong magbabala ni Ella sa mga kapwa kasambahay, lalo na iyong nakatira malapit sa mga halamanan, na ingatan na huwag makagat ng alupihan. Ayon daw sa doktor na tumingin sa kanya, hindi nalalayo sa ahas ang alupihan pagdating sa tindi ng kamandag nito, na nakalalason.
Si Ella, 33 taong gulang, ay tubong Cavite, may asawa at anak.